SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
TILA nahirapan si Piolo Pascual ipahayag ang saloobin nang makorner siya sa tanong kung pabor na ibalik ang death penalty sa panahon ngayon na maraming nangyayaring krimen at anomalya sa gobyerno.
Kaya naman medyo natawa si Piolo at inaming mahirap ang ibinatong katanungan sa kanya. Bagamat mahirap sinagot pa rin iyon ng bidang aktor na gumaganap bilang matinong police officer sa Manila’s Finest, isa sa mga pelikula na entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025.
“Grabe naman ‘yun (tanong)! Ang hirap namang sagutin. Kaya nga ako nag-artista, eh. Paano ba sagutin ‘yun?” nangingiting sagot-tanong ng aktor. “It’s hard kung gaano kalaki ‘yung crime o kasalanan, let the people in position or judge ang hirap, eh. It’s a crime against humanity kailangan may karampatang penalty ‘yun pareho lang, ‘di ba? An eye for a eye, a tooth for a tooth, Biblically ganoon.
“But in the recent times hindi ko alam kung paanong dapat takutin pa ‘yung mga tao na huwag gumawa ng masama to avoid that. But I think they’re really should come a time na magkaroon ng takot ang tao.
“So, if that would have come to that, we’ll just abide by that personally. Wala naman akong take kung anuman talaga ‘yung desisyon na makagaganda sa mga tao,” wika pa ni Piolo.
Sa Manila’s Finest, dalawang matinong pulis sina Piolo at Enrique Gil sa kanilang departamento. Marami silang alam na ginagawa ng mga kasamahan nila na kapag nangialam sila ay tiyak na may mangyayaring hindi maganda.
Natanong din si Piolo ukol sa kung may kinatatakutan ba siya in general o biggest fear niya sa buhay.
“Siguro ‘yung political unrest na nangyayari sa paligid natin and if may I quote when Quen and I did an interview, we were shown this clippings back in the ‘60s, there was a lot of riots and fast forward to now it’s still happening and mas nagkakaroon pa ng mas malaking pag-aalsa ‘yung mga tao.
“It’s getting worse (now) and I think kailangan talagang magkaroon ng step and it’s not just among us but sa government. I’s really the system. Bottom line naman dito ang sistema ang problema.’Yun lang ang kinatatakuhan ko na walang accountability sa bansa natin expecially sa society natin,” sabi pa ni Piolo.
Samantala, muling bubuhayin ang magandang alaala ng magagaling, mahuhusay, at may mga magagaspang na pulis na nagpabago sa Maynila noong 1969 sa pamamagitan ng pelikulang Manila’s Finest handog ng MQuest Ventures, Cignal, at Spring Films. Mula sa direksiyon ni Raymond Red.
Ang Manila’s Finest ay isinulat ng isang pangkat ng mga kilalang screenwriter na pinamumunuan nina Moira Lang, Michiko Yamamoto, at Sherad Sanchez, ang pelikula ay ukol sa kuwento ni Capt. Homer Magtibay (Piolo) at ng kanyang pinagkakatiwalaang partner na si 1st Lt. Billy Ojeda (Enrique), habang nilalakaran nila ang mga hamon ng paglilingkod sa Manila Police District sa isang mahalagang panahon.
Ang mga opisyal na ito ay nahaharap sa mga krimen na sumusubok sa kanilang katapatan, katapangan, at buklod ng kapatiran na tumutukoy sa kanila.
Higit pa sa drama ng pulisya, ipakikita sa Manila’s Finest ang mga sakripisyong ginawa para sa pamilya at mga kaibigan at mga moral na pagpili na humuhubog sa isang lungsod na nagpupumilit na hawakan ang pagkakakilanlan nito.
“Kami ay ipinagmamalaki at nasasabik na itanghal ang ‘Manila’s Finest’ bilang MQuest Ventures’ entry sa Metro Manila Film Festival ngayong taon.
“Ito ay isang cinematic masterpiece na binigyang buhay ng henyo ng direktor na si Raymond Red. Kami ay kompiyansa na ang ‘Manila’s Finest’ ay makatutunog ng malalim sa mga Filipinong manonood ng pelikula ngayong Pasko,” ani MQuest Ventures President Jane Jimenez-Basas.
Bukod kina Piolo at Enrique ay kasama rin sa pelikula sina Cedrick Juan, Rico Blanco, Ariel Rivera, Romnick Sarmenta, Rica Peralejo-Bonifacio, Jasmine Curtis-Smith, Kiko Estrada, Paulo Angeles, Ashtine Olviga, Ethan David, Dylan Menor, Pearl G., at Joey Marquez.
“Nais naming makuha ang Maynila sa isang mahalagang sandali—maganda, sugatan, at buhay. Ang pelikulang ito ay tungkol sa mga taong patuloy na gumagalaw, kahit na ang lungsod sa paligid nila ay nagbabago,” ani Red.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com