NANAWAGAN si Sen Lito Lapid na irespeto ang desisyon ng Supreme Court, magkaisa para sa katahimikan at pagtugon sa problema ng ating mga kababayan.
Sinabi pa ng senador na bagama’t magkakaiba ang paniniwala at paninindigan sa impeachment complaint laban kay Vice-President Sara Duterte sinusunod at iginagalang niya ang desisyon ng Korte Suprema.
Aniya pa, ang pag-archive ng Senado sa impeachment case ni VP Duterte ay hindi nangangahulugan na mayroon o walang kasalanan si VP Sara.
“Mabuti pa ring mapakinggan at maipaliwanag niya (VP Sara) ang kanyang panig sa mga paratang ng House of Representatives,” anang senador.
“Kung sakali man at ma-grant ang motion for reconsideration na inihain ng Kamara sa Korte Suprema, ang inyong senado ay nakahandang ipagpatuloy ang paglilitis laban sa Bise-Presidente.
“Ang anumang debate sa pagpapatuloy ng paglilitis ay wala pong saysay sapagkat lalabagin ng Senado ang pasya ng Supreme Court.
“Ang Hudikatura at Senado ay pantay na mga sangay ng ating pamahalaan,” dagdag pa.
Kaya naman sabi pa ni Sen Lito, “kinakailangan na magkaroon ng checks and balances, kaya nariyan ang Korte Suprema para ipaintindi ang Saligang Batas.
“Walang ibang maaaring umintindi sa 1987 Constitution kung hindi ang Supreme Court.
“Naniniwala po tayo na ang rule of law at due process ang dapat manaig sa ating bansa dahil kung hindi ay magkakagulo po at masama ito sa ating ekonomiya at matatakot ang mga investor.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com