NAMAYAGPAG ang 18 anyos na si Anton Ignacio nang angkinin ang titulo ng prestihiyosong SBT-International Jet Sports Boating Association (IJSBT) World Jet Ski Finals na ginanap ngayong buwan sa Lake Havasu, Arizona, USA.
Itinuturing na “Olympics ng Jet Ski racing ang kaganapan na nilahukan ng higit sa 300 na riders mula sa higit na 70 na bansa. Nanguna si Ignacio sa Pro-Am Runabout 1100 Stock, isa sa mga pangunahing dibisyon ng kumpetisyon. Runner-up siya sa Expert Runabout 1100 Stock at Naturally Aspirated at pang-apat na pwesto sa Amateur Runabout 1100 Stock.
Dumalo si Ignacio sa kanyang homecoming press conference na ginanap Huwebes ng gabi sa Privon Bistro Lounge sa Mother Ignacia St., Quezon City kasama ang kaniyang mga magulang na sina Roberto at Joyce, Jetski Association of the Philippines President Harley David at Vice President Paul del Rosario.
Tagumpay din ang mga batang jetski racers ng Pilipinas na sina Inigo Ventus na nagwagi ng world title sa Novice Runabout Stock, Kristine Mercado na runner-up sa Women’s Runabout 1100 Stock at Cody Pontino. Ang RP-JSAP team ay itinaguyod ng Robig Builders at Rudy Project. Nakatakdang lumahok si Ignacio sa WGP#1 Waterjet World Cup sa Disyembre 11-15 2024 sa Pattaya City, Thailand at sa 2025 Southeast Asian Games. (HATAW Sports)