ni Allan Sancon
NAKATUTUWANG panoorin ang isa sa mga magandang pelikula ng Metro Manila Film Festival 2023, ang When I Met You in Tokyo na pinagbibidahan nina Vilma Santos, Christopher de Leon, Cassy Legaspi, Darren Espanto at marami pang iba.
Siguradong mag-eenjoy din kayong panoorin ang pelikula nina Ate Vi at Kuya Boyet dahil sa galing nilang umarte at kitang-kita pa rin ang chemistry nilang dalawa sa big screen bilang loveteam kahit may mga edad na. Tinalo nila ang KathNiel, JaDine, LizQuen, AlDub maging ang FranSeth at KyleDreasa pagpapakilig ng mga manonood sa pelikulang ito.
Pinatunayan lang sa pelikula na ang pag-ibig ay walang pinipiling edad. Nakakikilig pa rin sina Ate Vi at Kuya Boyet sa kanilang mga eksena lalo roon sa eksena na ikinakasal sila suot ang Kimono at ang bed scene nila na nakatutuwa.
Paniguradong marami kayong magiging realization sa pelikulang ito, isa na rito ay ang sarap pala magmahal lalo na kung walang hinahanap na kapalit. Isa pa, ang tunay na pagmamahal pala ay hindi masusukat sa kung gaano kayo nagsama ng matagal kundi roon sa quality ng pagsasama ninyo kahit sa maikling panahon lamang.
Most of the scenes ay kuha sa Tokyo, Japan kaya napakaganda ng cinematography ng pelikulang ito. Maging ang editing ng pelikula ay maayos. Ipinakita sa pelikula ang ganda ng Tokyo, Japan.
Very promising din ang akting nina Cassy at Darren na bagamat hindi gaanong ipinakita ang kanilang love story sa pelikula ay kinakitaan din ng kilig ang dalawa sa kanilang mga eksena.
Deserved naman ni Ate Vi na manalo bilang Best Actress sa pelikulang ito dahil very natural talaga ang akting ng Star For All Season. In fairness walang kupas pa rin si Ate Vi. Siguradong maiiyak ka sa eksena niya with Boyet.
Sa mga hindi pa nakakapanood ng When I Met You in Tokyo, huwag n’yong kaligtaang panoorin dahil tiyak kikiligin kayo kina Ate Vi at Kuya Boyet.
Siguradong matutuwa rin at mag-eenjoy ang buong pamilya habang pinanonood ang pelikula. Palabas pa rin ang When I Met You in Tokyo in Cinemas nationwide.