MATABIL
ni John Fontanilla
WINNER ang sagot na “Kebs” ni Louise Delos Reyes sa nakaraang Thanksgiving party na ginanap sa Greyhound Café, Rockwell, Makati City sa mga kumukuwestiyon sa pagkapanalong Best Picture ng pelikula nilang Deleter sa nakaraang Metro Manila Film Festival 2022.
Ayon nga kay Louise, “Kebs! Basta kami, proud lang kami sa movie namin at sa ginawa naming lahat. Hindi ko pinapansin ang nega comments at hindi ko rin sasagutin. Sobra lang akong nagulat sa result, overwhelmed.
“Actually nasa Bali, Indonesia ako kaya nagulat ako at sobrang saya ko sa mga nababasa ko sa social media na malakas ang ‘Deleter’ sa takilya at later on nag-number two tapos number one na ito.”
Ibinahagi rin ni Louise sa kung saang eksena siya nahirapan nang husto at ito ay ang kanyang elevator scene dahil wala pala talagang tao sa floor na ginamit nila at talagang madilim. Bukod sa dalawa lang sila ng cameraman sa elevator na super-dilim, namali pa siya ng pindot ng floor kaya naman nang bumukas ang pinto talagang sobrang dilim.
After the success ng Deleter ay may kasunod na proyekto si Louise na isang teleserye, kaya naman masayang-masaya ito dahil may work kaagad siya sa 1st quarter ng 2023.