PANIBAGONG milyahe ang nakamit ng lalawigan ng Bulacan sa ilalim ng pamumuno ni Gobernador Daniel Fernando sa pagtanggap niya ng kabuuang 24 nasyonal at rehiyonal na parangal para sa unang anim na buwan ng ikalawang termino ng punong lalawigan.
Inialay ni Fernando ang mga parangal sa mga tao sa likod ng nasabing tagumpay, ang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan, na tumulong sa kanya upang maisakatuparan ang mga mithiin para sa dakilang lalawigan.
“Ang dami po nating pangarap para sa ating bayan, ang dami po nating kailangang gawin para makamit ang mga pangarap na ito, kaya naman malaki po ang ating pasasalamat sa ating mga kawani na siya nating nagiging katuwang upang isakatuparan ang lahat ng magagandang bagay na ito,” anang gobernador.
Iginiya ni Fernando ang ekonomiya ng lalawigan sa rurok nang iuwi nito ang 2022 Most Business-Friendly Province award mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry; at makamit ang ika-10 puwesto bilang Most Competitive Province sa lahat ng lalawigan sa bansa na ibinigay ng Department of Trade and Industry (DTI).
Gayondin, bilang resulta ng mabuting pamamahala, nakamit ng pamahalaang panlalawigan ang ika-anim nitong Seal of Good Local Governance ang apat pang parangal mula sa 2022 Gawad Timpukan Central Luzon Award kabilang ang Recognition for the Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Children, Local Council for the Protection of Children, Local Government Support Fund-Support to Barangay Development Program 2021, at Local Government Support Fund-Conditional Matching Grants to Provinces.
Lumabas rin ang husay ng lalawigan sa pinansiyal na aspekto ngayong taon at nakamit ang Top 3 sa Local Revenue Generation Hall of Fame Award para sa Fiscal Year (FY) 2018 hanggang 2020, at Top 2 sa Highest Locally Sources Revenues para sa FY 2021.
Pumukaw rin ng atensiyon ang mga programang pangkalusugan ng lalawigan sa pagkakaloob ng limang parangal para sa lalawigan sa ginanap na 8th Central Luzon Excellence Awards for Health kabilang ang Outstanding Epidemiology and Surveillance Unit, Best in Multi-sectoral Collaboration on COVID-19 Vaccination, Pulang Laso Excellence Awards for Health na ipinagkaloob sa Bulacan Medical Center (Hospital Category), Excellence Award for DRRM-H Institutionalization, at Excellence Award in UHC Implementation.
Nag-uwi rin ng limang parangal ang sektor ng agrikultura para sa lalawigan kabilang ang Rank 2 on Outstanding Performance in the implementation of projects, accounts and programs under the High Value Crops and Development Program; Highest Accomplishment on the distribution and submission of signed list for inorganic fertilizer; Highest Number of verified farmers and farm lots under the RCM-FFR (Provincial Category); Outstanding Province in Central Luzon, at Highest Accomplishment on the distribution and submission of signed list for inorganic fertilizers (RCEF Provinces).
Nakamit rin ng lalawigan ang Beyond Compliant Seal of Excellence sa ginanap na Ika-22 Gawad Kalasag Seal for Local DRRM Councils and Offices.
Dagdag rito, pinarangalan ang Bulacan bilang 2021 Top Performing Public Library in the Philippines – Provincial Category ng National Library of the Philippines at Asia Foundation, at ng Energy Efficiency Excellence Awards mula sa Department of Energy; wagi ang SINEliksik Bulacan ng Best Program for Culture and the Arts Grand Champion mula sa Association of Tourism Officers of the Philippines – Department of Tourism; at kinilala si Fernando bilang 2022 Most Influential Elected Official ng Gawad Amerika Awards.
Higit sa mga pagkilala, ang mahalaga para kay Fernando ay ang epekto ng mga parangal na ito para sa mga Bulakenyo.
“Oo, mahalaga ang mga parangal na tulad ng mga ito. Ngunit ang lubos na importante ay ang sinisimbolo nito, na ibinibigay natin ang maaasahang serbisyo-publiko sa ating mga kalalawigan. At hindi sila nagkamali na tayo ang pinili nilang mamuno sa kanila tungo sa kaunlaran,” anang gobernador. (MICKA BAUTISTA)