PINAGHARIAN nina John Meneses Jayag at Cleiford Kortchnoi Molinyawe ang kani-kanilang dibisyon sa katatapos na Boac Knight Club Rapid Chess Tournament nung Sabado na ginanap sa Boac, Marinduque.
Si Jayag, 12, na Grade 6 student sa lupac Elementary School ang nagkampeon sa Kiddies event habang ang 12-year old Molinyawe na 1st year high school student sa Colegio de San Juan de Letran- Calamba na tubong Gasan, Marinduque, ang nanguna naman sa Open category.
Tumapos si Jayag sa five-round rapid competition ng perfect five wins angat kay Lanz Monteras na nagkasya sa second na may 4.0 points.
Nagkamada naman sina John Lamboloto at Limuel Jalimbawa ng tig 3.5 points para tumapos sa third at fourth, ayon sa pagkakasunod base sa kanilang total tie break points.
Ang fifth hanggang tenth placers na sina Vejay Fedalino, Joseph Jalos, Wendy Bustamante, John Carlo Baldovino, Johann Eclipse at Vincent Tarrega ay pare-parehong nakapagtipon ng tig 3.0 points.
Samantala, nagpakitang gilas si Molinyawe sa 5-round Swiss system competition sa Open category na may perfect 5.0 points. Nakabuntot naman sa kanya si Vincent Manalo na may 4 puntos para sa second place. Naungusan niya tie break points sina fellow 4.0 pointers Aldrin Nazareno, Jesro Sapungan, Timothy Fiedalan, John Mark Frias at Mark Legaspi.
Ang 1st Boac Chess Tournament ay inorganisa ng Boac Knight Chess Club, Inc. sa gabay ni President at Founder Engr. Lauro Bautista at Rona Bautista. Ang Tournament Director ay si AGM Dr. Fred Paez habang ang Chief Arbiter ay si NA Gener Vitto.
– Marlon Bernardino-