INAMIN ni Piolo Pascual na mas pinipili niyang manahimik kaysa sumagot sa mga nang-iintriga sa kanya.
“Bilang artista, sanay na akong pukpukin ng kung ano-anong issue. May mga pagkakataon na kailangang i-address ang isang bagay pero mas madalas, pinipili kong tumahimik,” giit ni Piolo sa isang video na nagpapakita ng kanyang pagsuporta kay Vice President Leni Robredo bilang susunod na pangulo ng bansa.
Ganito rin ang trato ni Piolo sa mga isyung politikal, na mas gusto pa niyang tahimik na magmatyag kaysa maglabas ng saloobin sa takot na baka mabatikos.
“Naisip ko, masyado nang magulo ang mundo para makidagdag pa sa samo’tsaring ingay. At hindi ko rin alam kung nararapat ba akong pakinggan. Hindi naman ako eksperto sa politika,” paliwanag niya.
Pero ngayong nakataya ang kinabukasan ng bansa sa Mayo 9, napagdesisyonan ni Piolo na hindi na siya dapat manahimik, sa pagsasabing ang pagtahimik ay isang pribilehiyo na hindi dapat ginagamit ng sinuman sa kasalukuyang panahon.
“Ang pananahimik sa ganitong panahon ay pagkampi sa mga pwersang nagpapahirap sa maraming Filipino. Sa mga nakaraang araw, palakas nang palakas ang sigaw. Hindi na ito kayang isawalang-bahala ng bawat Filipinong nagmamahal sa bayan,” ani Pascual.
“Bulong na ngayo’y isang malakas na ring sigaw, si Leni Robredo ang pangulo ko. Abogada, ekonomista, tapat, at walang bahid ng corruption,” dagdag pa niya.
Para matiyak na tama ang kanyang desisyong suportahan si VP Leni, sinabi ni Piolo na siya’y nagsaliksik, nakinig sa ibang tao, at binuksan ang isip bago naghayag ng suporta sa Bise Presidente.
Gaya ng ibang volunteers, sinabi ni Piolo na tumugon siya sa panawagan ni VP Leni na tumayo at ipaglaban ang bansa at kapakanan ng taumbayan, lalo na iyong mga nangangailangan.
“Pagkain sa mesa. Edukasyon. Maayos na kalusugan. Hindi ba’t ito naman ang araw-araw nating pinagsisikapan para sa ating pamilya? Hinihiling ng panahon na lawakan natin ang ganitong pagsisikap, hindi lang para sa mga mahal natin sa buhay, kundi para sa ating mga kababayang nangangailangan,” punto pa ni Piolo.
Binigyang diin ni Piolo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pamahalaan na tutulong sa taumbayan na maabot ang kanilang pangarap at gumanda ang buhay sa pamamagitan ng mga batas, programa, at plataporma.
“Tapat na pamamahalang magbibigay sa atin ng kasiguraduhan, tutulong sa atin sa panahon ng kalamidad o matinding pangangailangan,” wika pa ng aktor.
(𝙈𝙑𝙉)
Check Also
Will walang pahinga sa dami ng trabaho
MATABILni John Fontanilla LOADED sa dami ng trabaho ngayon ang ex PBB Collab housemate at Kapuso actor na …
Kyle tiyak na kaiinisan sa pag-eksena kina JC at Bela
I-FLEXni Jun Nardo UNANG sabak sa Viva movie ng singer-actor na si Kyle Echarri sa pelikulang 100 Awit Para kay …
Marian maganda pa rin kahit ginawang lalaki
I-FLEXni Jun Nardo LUTANG pa rin ang ganda ni Marian Rivera sa bagong pictorial para sa isang …
Aiko nagpasalamat sa pag-share ni Candy kay Quentin
MA at PAni Rommel Placente IBINAHAGI ni Aiko Melendez sa kanyang Facebook ang video clip ng pagsasayaw …
Kyle Echarri nagsalita na sa malisyosong tsika sa kanila ni Piolo Pascual: He is like a brother
MA at PAni Rommel Placente NAGSALITA na si Kyle Echarri tungkol sa mga naglalabasang tsismis sa kanila …