MA-INLOVE muli sa tambalan nina Piolo Pascual at Regine Velasquez-Alcasid dahil ipalalabas ng ABS-CBN Film Restoration ang digitally restored at remastered version ng 2007 romantic-drama hit mula Star Cinema na Paano Kita Iibigin, simula Abril 27 (Martes) sa Sagip Pelikula Festival sa KTX.
Ang Paano Kita Iibigin ang una at huling tambalan nina Piolo at Regine. Ito ay mula sa kuwento nina Tammy Bejerano-Dinopol at John Paul Abellera, panulat nina Abellera, Vanessa Valdez, at Mel Mendoza-del Rosario, at idinirehe ni Bb. Joyce Bernal.
Sundan ang kuwento ni Regine bilang Martee, isang single mother na natanggal sa trabaho at pinalayas sa kanyang munting tahanan habang nakikipag-sapalaran buhayin ang nag-iisa at sakiting anak.
Napagdesisyonan niyang magbakasyon muna sila sa Zambales sa paluging resort na pagmamay-ari ni Lance (Piolo), isang negosyanteng lubhang naapektuhan matapos ang isang malagim na aksidente.
Nabuklod sila sa isa’t isa nang maging manager sa resort si Martee. Madalas man mag-away ang dalawa, ‘di magtatagal ay uusbong ang matamis na pag-iibigan nila dahil handang tulungan ni Martee si Lance na makabangon mula sa kanyang nakaraan.
Mabibili na ang tickets nito sa http://bit.ly/PaanoKitaIibiginOnKTX sa halagang P150.
Magkakaroon din ito ng pre-show kasama sina Piolo, Regine, Eugene Domingo, at manunulat nitong si John Paul Abellera. Kamakailan din ay nag-trending sa Twitter ang remastered na pelikula bago pa ang mismong showing nito.
Maliban sa Paano Kita Iibigin, magpapakilig din ang ilan pang pelikula ni Piolo noon, tulad ng Kahit Isang Saglit, Till There Was You, Milan, at Don’t Give Up on Us simula Abril 28 (Miyerkules) sa Sagip Pelikula Festival sa KTX.