Patay ang isang hinihinalang tulak na mas ginusto pang itaya ang buhay kaysa sumuko nang makipagbarilan sa mga pulis na aaresto sana sa kanya sa bayan ng Marilao, lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkules, 10 Pebrero.
Ayon kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang suspek na si Danilo Reloks alyas Apang, residente ng Ilocano Compound, Bgy. Sta. Rosa 2, sa nabanggit na bayan, na kumagat muna sa inilatag na buybust operation ng mga operatiba dakong 12:30 ng madaling araw kamakalawa.
Matapos ang transaksiyon sa droga, nakatunog si alyas Apang sa presensiya ng mga awtoridad sa paligid ngunit sa halip na sumuko ay bumunot ng baril at pinaputukan ang mga ito.
Dito na napilitang gumanti ang mga operatiba at sa ilang minutong palitan ng putok ay nasapol si alyas Apang na kanyang ikinasawi sa lugar ng engkuwentro.
Narekober sa napatay na suspek ang 12 selyadong plastic sachet ng hinihinalang shabu, kalibre .22 na rebolber, mga bala, drug paraphernalia, at buybust money.
(Micka Bautista)