ITINURING na harassment ng isang abogado sa Iloilo City ang banta ng Panay Electric Company (PECO) na sasampahan siya ng disbarment sa Korte Suprema kasunod ng pagbubunyag ng pagkakaroon ng offshore companies ng dating Distribution Utility.
Ayon kay Atty. Zafiro Lauron malinaw sa bantang paghahain ng kasong disbarment laban sa kanya, nais siyang patahimikin sa isyu, iginiit ng abogado na hindi personal ang kanyang pag-atake sa PECO bagkus ay bahagi lamang ito ng kanyang civic duty bilang isang true-blooded Ilonggo.
Aniya, hindi lamang ang iregularidad sa pamamalakad ng PECO ang kanyang naging laban sa Iloilo bagkus marami pang mahahalagang isyu ang kanyang isiniwalat at marami na rin sinampahan ng reklamo mula sa national at local officials na ang huli ay nadiskubre niyang iregularidad sa Dam project sa lalawigan.
“Kung sasampahan nila ako ng disbarment, be my guest. There’s no legal ground for that. This harassment from PECO means that they are pushing me to cow in fear. Masyado naman silang diktador. PECO should be open to criticisms, huwag sana silang onion skin,” pahayag ni Lauron.
Sinabi ni Lauron, hindi dapat patahimikin lagi ng PECO ang mga bumabatikos sa kanila, aniya, bagamat private entity ang kompanya ay involve naman ito sa public activity dahil nasa linya ng power generation kaya bilang isang consumer, isang Ilonggo, at abogado ay may karapatan sa kanyang opinyon at may civic duty na isapubliko kung may nalalamang iregularidad.
Kaugnay nito, pinasinungalingan ni Lauron ang pahayag ng PECO na nag-aabogado siya sa More Electric and Power Corp. (More Power), ang bagong Distribution Utility sa Iloilo.
Giit ni Lauron wala siyang anomang legal engagement dito at wala siyang kilala kahit na isa mula sa kompanya.
“Alam ng mga taga-Iloilo na isa ako sa mga lumalaban sa isyu sa aming lalawigan kaya malisyoso ang paratang ng PECO na ako ay nag-aabogado para sa More Power,” dagdag ni Lauron.
Nagbanta si Lauron na kung patuloy siyang pagbabantaan ng PECO at gagawa ng squid tactics ay bubuwelta din siya ng kaso laban dito.
Si Lauron ang unang nagbunyag ng pagkakaroon ng 3 offshore companies ng PECO sa Bahamas na Costa Group Investments Ltd., Prime Rose Technology, at Mega International Services na pawang nabuo noong taong 2000.
Nanindigan si Lauron na mas may basehan ang ipinalabas na report ng International Consortium of Investigative Journalists (ICIJ) na nagdedetalye ng mga binuksang offshore companies ng PECO sa Bahamas at nakalista ang mga pangalan ng mga shareholder, company address at kung kailan nai-set-up ang kompanya.
Una nitong hiningi ang tulong ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na maimbestigahan ang nasabing offshore accounts.