IGINIIT ng ABS-CBN na lahat ng ginagawa nila ay naaayon sa batas.
Ito ay sa kabila ng pagsasabi ng Office of the Solicitor General na may nilabag ang Kapamilya Network.
Sa press statement na ipinalabas ng network, sinabi nilang maaaring mauwi sa pagpapasara ng ABS-CBN ang quo warranto case na isinampa ng OSG laban sa kanila dahil sa umano’y paglabag sa franchise.
Makakasama ito sa milyon-milyong Filipinong umaasa sa ABS-CBN sa paghahatid ng balita, serbisyo publiko, at libangan.
Anila, walang basehan ang mga alegasyon ng OSG na nakalahad sa inilabas nitong press statement. Sumusunod ang ABS-CBN sa mga batas kaugnay ng kanilang prangkisa at aprubado ang operasyon ng mga kaukulang sangay ng gobyerno. Anila:
- Aprubado, may permiso ng gobyerno, at hindi labag sa franchise ang lahat ng mga serbisyo namin sa broadcast, kasama na ang KBO.
- Masusing sinuri at inaprubahan ng Securities and Exchange Commission at Philippine Stock Exchange ang Philippine Deposit Receipts o PDRs ng ABS-CBN Holdings bago ito inialok sa publiko. Ang PDRs ay mga instrumento na ginamit din ng ibang broadcast companies upang makalikom ng pondo para sa patuloy na pagpapabuti ng serbisyo.
- Ang pagmamay-ari ng ABS-CBN sa ABS-CBN Convergence ay sumailalim sa parehong mga batas at estrukturang sinusundan din ng ibang telecommunication companies. Aprubado ang mga ito ng Public Telecommunications Policy Act at ayon ito sa batas.
Sinabi pa nilang hindi nila nilabag ang batas. ”Ang kasong ito ay tila isang pagtatangka para ipagkait sa mga Filipino ang mga serbisyo ng ABS-CBN.”
Sinabi pa nilang nananatiling isa sa pinakamurang paraan ng paglilibang para sa publiko ang KBO. Nakapaghahatid sila ng serbisyo sa halos 90 porsiyento ng Pilipinas at sa mga OFW sa buong mundo dahil sa pondo na naipundar nila gamit ang PDRs. At sinusuportahan nila ang patakaran ng gobyerno na pababain ang halaga ng internet access para sa buong populasyon sa ilalim ng ABS-CBN Convergence.
“Nangako ang Senado, House of Representatives, at ang executive branch ng gobyerno sa publiko na dadaan sa maayos at patas na proseso ang aming franchise renewal. Kaya hindi napapanahon ang pagsasampa ng quo warranto case lalo na’t nagpapatuloy na ang sesyon ng Kongreso.
“Mananatili kaming tapat sa paglilingkod sa publiko lalo na ngayon na milyon-milyong Pilipino ang umaasa sa aming paghahatid ng balita tungkol sa novel coronavirus at mga pangyayari sa Middle East at sa Bulkang Taal na sinusubaybayan ng ating mga Kapamilya.”