SA nakaraang mediacon ng James & Pat & Dave, nagustuhan namin ang LoiNie na sina Loisa Andalio at Ronnie Alonte dahil hindi showbiz ang mga sagot nila at inamin nila kung ano at sino sila sa isa’t isa.
Natanong kasi kung ano ang pagkakaiba nila sa ibang love team ng ABS-CBN.
Say agad ni Ronnie, “Sa totoo lang po, totoo kami. Kami po ‘yung mag-love team na totoong magdyowa! Pero siguro po, ‘yung pagiging totoo namin, pagiging kalog namin.
“Walang kahalo-halong harang. Lahat, out kami. Hindi namin itinatago kung ano man ang mayroon sa amin. At saka, ‘yun siguro, kapag nagtrabaho kami, talagang trabaho talaga.”
Dagdag pa, “‘Yung mga love team kasi noon, hindi pa sila magkarelasyon noong pinag-work sila, noong nagkatrabaho sila. So kami, ang pagkakaiba po namin, noong binigyan kami ng movie, kami na.”
Say naman ni Loisa, “ang ipinagkaiba namin sa ibang loveteam, siguro kami ‘yung first time na nagkaroon ng pelikula kasi ‘yung ibang loveteam ang dami na nilang nagawang pelikula at mas marami silang projects. Nagsisimula palang po ‘yung loveteam namin dahil dito sa ‘James & Pat & Dave.’”
At sa tagal nila sa showbiz ay ngayon lang sila nabigyan ng sariling pelikula as LoiNie.
“Siyempre ang tagal naming hinintay ito, sobrang na-excite kami, 2020 panibagong pinto, panibagong buhay so noong ibinigay sa amin ito, sabi namin ‘beh galingan natin, ipakita natin na karapat-dapat tayo,” nakangiting sabi ng binata.
“Totoo po, sobrang saya po namin ni Ronnie kasi nabigyan kami ng ganitong kalaking opportunity, nagsimula kami ni Ronnie naging kami agad, eh hindi pa kami magka-loveteam kanya-kanya palang kami noon tapos may fans na sumusuporta sa aming dalawa kaya ngayong nandito na mayroon kaming pelikula ipalalabas, kaya sarap sa puso na napansin po kami, parang ang tagal po namin ito hinintay. Ang tagal ko po itong hinintay, pangarap ko po ito… noong bata ako na mapanood ko ang sarili ko sa malaking sinehan at sobrang excited ako at sigurado ako na ganoon din ‘yung pamilya ko sa akin at para sa aming dalawa (Ronnie),” kuwento ng dalaga.
At in fairness sa trailer ng James & Pat & Dave na ipinasilip sa mediacon nitong Biyernes ay talagang bentang-benta sa entertainment press/bloggers/online writers ang nakatatawang eksena ng LoiNie lalo na ‘yung nadapa na pagtayo ay sumaktong nag-kiss sila.
Ayon kay Direk Theodore Boborol ay hindi na niya mabilang kung ilang beses kinunan kasi nga dapat sakto at hindi alam ng dalawa ang paglalapat ng labi nila.
Naikuwento ni Ronnie na talagang isinapuso nila ni Loisa ang karakter nila at nahirapan siya dahil kapag dumarating siya sa set ay hindi niya pinapansin ang girlfriend o binabati man lang na naroon na siya dahil nga in character na siya na hindi pa niya kilala ang dalaga.
“Gusto kong i-share sa inyo ‘yung story na kapag nagsu-shooting po kami, pagkadating na pagkadating namin sa set, never ko ho siyang pinansin. Never ko ho siyang kinausap o nilambing.
“Kasi ayokong mabaling ang isip ko na kami, lalo na ‘yung eksena namin na hindi pa naman kami. Para sa akin, ‘yun ang ginawa ko para maibigay ‘yung dapat na hinihingi ni Direk. Iyun po,” kuwento ni Ronnie.
Sinang-ayunan ito ni direk Theodore na akala nga niya ay may tampuhan ang dalawa kasi nga hindi nagpapansinan, kaya sobrang pinuri niya ang LoiNie sa pagiging propesyonal.
Naikuwento pa ni Ronnie na kapag may hindi sila pinagkakasunduan ni Loisa ay nag-uusap sila na sila lang dalawa o kaya lumalabas sila o nagda-drive dahil ayaw nilang ipakita sa mga kasama sa set na hindi sila okay. Kaya siguro nasabi ni Donny Pangilinan na third wheel sa dalawa na sobrang sweet ng LoiNie.
RONNIE,
BIGAY NI LORD
KAY LOISA
Samantala, sequel ng Vince Kath & James ang James & Pat & Dave na ang paliwanag ni direk Theodore na ang kuwento ay tungkol sa hindi napili at ano ang nangyari sa ending ng hindi napili.
Oviously, si Ronnie as James ang hindi napili dahil sina Vince (Joshua Garcia) at Kath (Julia Barretto) ang nagkatuluyan hanggang off-camera, pero hiwalay na sila ngayon.
Sa kuwentong hindi napili ay inamin ng James & Pat & Dave na naka-relate sila sa kuwento dahil minsan sa buhay nila ay hindi sila napili in real life.
Sabi ni Ronnie ay may babae siyang gusto noong high school siya na niligawan niya ng anim na buwan at ibinigay niya ang lahat, ipinakilala sa pamilya at nakilala rin niya ang pamilya niya, noong time na manliligaw na, ”mayroon na siyang iba! ‘Yun ganoon kasakit. Move-on ako sa tulong ng pamilya at mga kaibigan at saka bata pa rin naman ako that time.”
“Sa akin hindi ako napili. Pero okay kami noon tapos maraming nangyaring gulo, kaya dumating ‘yung time na hindi niya ako pinili, masakit kasi iisipin mo anong wala sa akin (na meron sa iba). Inisip ko na kaya siguro hindi ako pinili kasi may better na ibibigay sa atin si Lord,” kuwento naman ni Loisa.
Naaliw ang lahat ng nasa Dolphy Theater dahil kinilig si Ronnie sa sinabi ng girlfriend.
High school din si Donny ng hindi siya piliin ng babaeng gusto niya.
“Mayroon na siyang iba kaya hindi ko na puwedeng i-pursue pero naging close kami, parang na-late lang ako,” sambit ng binata.
Sa mga mahilig sa rom-com sabay-sabay nating panoorin ang James & Pat & Dave dahil cute ang kuwento at kilig ang LoiNie lalo na sa supporters nila na talagang hindi sila iniwan noon pa plus Donny’s fans na kahit wala siyang love team ay suportado pa rin siya.
Sa Pebrero 12 na ito sa mga sinehan, pre-Valentine offering ng Star Cinema mula sa direksiyon ni Theodore Boborol kasama rin sina Awra, CJ Salonga, Myrtle Sarrosa, Isay Alvarez, Anna Abad Santos, Bodjie Pascua, Bobby Andrews, at Odette khan.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan