KUNG wala lang sigurong mga karelasyon sa tunay na buhay sina Kit Thompson at Ivana Alawi ay bagay na bagay silang dalawa at maraming boto na maging sila.
Nakitaan kasi ng magandang chemistry ang dalawang sexy actors sa teleseryeng Mea Culpa: Sino ang May Sala kaya binigyan sila ng follow-up project na may working title na Ligaya.
Samantala, usap-usapan naman ang ipinost na larawan ni Kit sa kanyang IG account na nakahubad at tanging bula ng sabon ang nakatakip sa private part.
Ang caption ng larawan ng aktor, “Rubber duck < Rubber elephant.”
Umabot sa 44.3K likes at 2,545 ang nagkomento sa pose ng binata kasama na ang producer niya sa pelikulang Belle Douleur na si Atty. Joji Alonso.
Ayon sa Quantum producer, “Sira ulo ka talaga @kitthompson! Sige ka, ilalabas ko sa director’s cut ang pinutol ko sa Belle!!!”
Sumagot ang aktor, “naku ibang level na ‘yung direk, ha, ha, ha.”
Lalaking Ivana naman ang komento ni Ivana sa ka-loveteam, “Ivano is dat you ha ha ha.”
“Ikaw pa rin lodi,” sagot ng binata kay Ivana.
May nabasa kaming komento pa ng netizens na masuwerte si Ivana at sila ni Kit ang magkasama at sana ay sila na sa totoong buhay.
“Daig mo pa ang Bulkang Taal sa pagsabog,” sabi naman ni @ awesomejohnwilfred.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan