MANANATILING Kapamilya ang onscreen love team at real life sweethearts na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla matapos silang mag-renew at pumirma ng tatlong taong kontrata sa ABS-CBN nitong Miyerkoles, Enero 15.
Matapos magkahiwalay sa mga proyekto ng mahigit isang taon, ibinahagi ng phenomenal box office couple ang kanilang sentimyentobsa kung anong dapat abangan ng kanilang fans ngayong magbabalik-telebisyon na sila at bibida sa kanilang paparating na teleseryeng Tanging Mahal.
“Makaaasa sila ng bago, siyempre ang tagal din naming hinintay na mangyari ito ulit. Tingin ko excited ang fans na makita ulit kaming magkasama dahil kami rin personally, excited na kaming magtrabaho ulit nang magkasama,” pahayag ni Daniel.
Bukod sa proyektong kasama si Kathryn, nabanggit din ni Daniel ang kaniyang excitement sa pelikulang Whether the Weather is Fine kasama ang ABS-CBN executive at beteranang aktres na si Charo Santos-Concio.
“Sana abangan nating lahat ‘yung pelikulang ginagawa namin kasi para sa akin bago ito at kakaiba. Iba ‘yung bato ng pelikula, iba ‘yung feel, kaya exciting,” sabi pa ng aktor.
Ibinahagi naman ni Kathryn ang kasiyahan dahil sa nakukuha niyang suporta mula sa kaniyang YouTube channel na Everyday Kath. Sa loob lamang ng dalawang linggo matapos mailabas ang unang vlog, umabot na sa halos isang milyon ang kaniyang subscribers.
“Masaya. Higit pa sa subscribers, mas gusto ko ‘yung natatanggap naming mga komento kasi hindi ko alam na ganoon pala ‘yung epekto sa kanila na masilip ‘yung personal na buhay namin,” sambit ni Kathryn.
Dapat ding abangan ng KathNiel fans ang pagbabalik-tambalan ng dalawa sa pelikula ngayong taon.
Nang tanungin ang kanilang saloobin tungkol sa pananatili nila bilang Kapamilya.
“Siyempre sobrang saya at sobrang nagpapasalamat kami na ang tiwala ng ABS-CBN sa amin ay nandiyan pa rin ganoon din ang tiwala namin sa ABS-CBN. Sobrang saya, sobrang blessed, at sobrang excited kami sa mga paparating pa sa amin ni Kathryn, ” saad ng aktor.
Dumalo sa pirmahan ng kontrata sina ABS-CBN chairman Mark Lopez, ABS-CBN President at Chief Executive Officer Carlo Katigbak, Chief Operating Officer ng broadcast Cory Vidanes, TV Production Head Laurenti Dyogi, Star Magic Head Johnny Manahan, at Head ng Treasury na si Rick Tan.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan