Monday , December 23 2024

Literatura at Lusog-Isip

HABANG abala sa pirmahan ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Universal Health Care Law (UHC) – o ang Republic Act No. 11223 — ang Kalihim ng Department of Health (DOH) na si Dr. Francisco Duque III, nasa ikasampung palapag naman ang kaniyang mga kawani upang ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Lusog-Isip.

Ginanap ang dalawang makasaysayang okasyong ito noong 10 Oktubre sa Manila Prince Hotel sa Ermita, Maynila.

Sa paksang Scaling Up Mental Health Interventions: Unifying Efforts Towards Saving Lives, ang ikatlong Public Health Convention on Mental Health ay sinimulan sa pamamagitan ng pagpapatunay na ang DOH ay sensitibo pagdating sa kultura.

O sa wika.

Ibinunsod din nila kasi ang bersiyong Filipino ng Quality Rights E-Training Platform sa tulong ng World Health Organization (WHO) at Sentro sa Salin at Araling Salin ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST).

At kung habang ang ibang nasa puwesto o poder sa gobyerno ay nagdadalawang-isip sa pananaliksik, hindi nagpatumpik-tumpik tungkol dito ang DOH.

Sa halip, sinalungguhitan nito ang halaga ng pag-aaral ukol sa Lusog-Isip.

Saksi ang buong hapon sa mga sunod-sunod na presentasyon: Defining The Mental Health Research Agenda in the Philippines ni Dr. Lucita Lazo ng World Association for Psycho­­social Rehabilitation, Finding Kagalingan among Apparently Healthy Filipinos: Some Insights from the Philippine LIFECARE Cohort ni Dr. Nina Castillo-Carandang ng College of Medicine ng University of the Philippines (UP) Manila, Analyzing Mental Health in the Philippines: Perception, Access, and Delivery ni Dr. John Gabriel Hernandez ng Ateneo School of Medicine and Public Health, Philippine Prevalence Survey of Mental Health Condition ni Dr. Marissa de Guzman ng UP Philippine General Hospital, at National Disability Prevalence Survey (MDS Philippines) ni Bb. Plenee Grace Castillo.

Tapos, nagkaroon ng talakayang tahimik.

Ito ay nang usisain ng isang maykapansanan, sa tulong ng isang interpreter, kung bakit wala ni isang nagsalita o nagsaliksik mula sa kanilang sektor, lalong-lalo na sa mga tulad niyang di-nakaririnig.

Sa kabilang banda, hinanap naman ng isang maykaramdaman ang pagtutuon ng pansin ng karapatang pantao ng mga pasyente.

Habang ang lahat ay nagmemeryenda, bina­sag ng isang nagtanong ang food trip nila: “Kung magaling na po ba ako, mawawala na rin po ba ang aking mga diskuwento?”

Nilunod ng halakhakan at palakpakan ang tugon sa kaniyang kuwestiyon.

Subalit, ang nagmistulang finale nang ianun­siyo ang mga nanalo sa proyekto ng Foundation AWIT o Advancing Wellness, Instruction, and Talents.

Ito ay ang pagsulat ng tanaga o ang katutu­bong tula na may apat na taludtod na may tig-pipitong pantig, tungkol sa pagdiriwang sa buhay.

Tatlo silang itinanghal na Makata ng Araw ng Lusog-Isip.

Una, si Jericho Medel – na kumukuha ng M.A. Clinical Psychology  sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) habang nagsisilbi bilang Psychologist 1 sa Elsie Gaches Village – ang sumulat ng sumusunod:

 

Minsan ika’y nabigo,

Ngunit dapat lumago.

          Isip dapat magbago.

          Ito ay simulan mo.

 

Ikalawa, si Jay Ar Lamson – na isang alumnus ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Department of Political Economy na nasa likod ng Project SiBol (Siling Bangbangolan) na naging pinakamahusay na proposal noong 2018 National Young Leaders Conference (Luzon) at nagwagi ng Ikatlong Gantimpala sa SDG Challenge ng Seton Hall University of New Jersey – ang maygawa nito:

 

Dahon ay sumasayaw,

          Ibon ay humihiyaw.

          Tayo ay h’wag malumbay

          Sa buhay magtagumpay.

 

Ikatlo, si Lichelle Parreño  — na nagtapos ng B.S. Electronics and Communications Engineering (ECE) mula sa Notre Dame of Marbel University (NDMU) at nagkamit ng sertipikasyon para sa Teaching English as a Foreign Language (TEFL) Teaching English to Speakers of Other Languages (TESOL) samantalang isa siyang empleyado sa National Center for Mental Health (NCMH) – ang lumikha ng tulang ito:

 

Pag ika’y may problema,

H’wag matakot, mangamba.

Tumawag ka sa Kan’ya

          At tutulungan ka N’ya.

 

Ang paggamit ng Literatura para itaguyod ang Lusog-Isip ay una naming isinakatuparan noon pang 2012.

Ipinagdiwang ito sa pamamagitan ng Dionatext Kontra Depresyon. Ang mga sumusunod ang apat na itinanghal na Text­makata sa apat ng linggo ng Oktubre:

 

Di na sana didilat

          pagkat walang natupad

          buti, libre mangarap!

RUEL A. SOLITARIO

 

Natrapik ang tagumpay

          Sa kalyeng puro hukay

          Antay lang, h’wag malumbay.

JOEL COSTA MALABANAN

 

Kung may virus ang utak,

          Nagha-hang ang pangarap

          — Bakit di mag-reformat?

FILLIFFE ANORICO

 

Nang malaglag ang dahon,

          may mga bagong usbong

          — luntian at mayabong.

FRANCISCO MONTESEÑA

 

Umani ng humigit-kumulang 10,000 dionang pinili ng mga huradong sina Pambansang Alagad ng Sining na si Rio Alma, Dr. Michael Coroza ng Ateneo de Manila University, Dr. Japhet Fernandez de Leon ng Psychiatric Association of the Philippines, at Dr. Dinah Nadera ng Foundation AWIT (Advancing Wellness, Instruction, and Talents).

Ngayon, sa gitna ng kapangitan sa lipunan, may iba pa bang paraang mas malikhain para ipagdiwang ang buhay?

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *