ISA pala sa tinatrabaho sa Kamara ang pagpapalawig ng termino ng mga kongresista, opisyal ng mga probinsiya, mga lungsod, at mga bayan.
Mula sa tatlong taon ‘e gustong gawin ng mga kongresista na limang taon ang termino ng panunungkulan.
Isa ito sa ihahaing panukala o susog ng committee on constitutional amendments na planong iendoso ng Kamara.
Mismong si Speaker Alan Peter Cayetano ay sinabing pabor siya kung mapalalawig hanggang apat o limang taon ang kanilang panunungkulan.
Ayon mismo kay Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, chairman ng committee, mayroon umanong lumalawak na consensus sa hanay ng mga miyembro ng panel.
Sina Rep. Rufus at Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., ng Pampanga ang may-akda ng resolusyong nagnanais na baguhin ang economic and political provisions sa umiiral na saligang batas ng bansa.
Ilan sa mga basehan ni Gonzales, ang tatlong taon umano ay masyadong maikli para makapagsabatas o makapagpatupad ng makabuluhang reporma, mga proyekto, at pagbabago sa mga distrito at local government units (LGUs).
Aniya, “The first year is spent on organizing the office and staff and learning the ropes, if you are a neophyte. On the second year, you try to do serious work. On the third year, you begin campaigning for the next elections. So effectively, only one year, or a year-and-a-half at most, is devoted to work.”
Kaya kung limang taon ang magiging termino, mas marami umanong ‘magagawa’ ang mga mambabatas. Magagawang ano?
Sabi nga ng isang kongresistang madalas nating nakahuhuntahan, ang termino nilang tatlong taon ay halos nauubos lang sa ‘panliligaw’ sa constituents. Kaya kapos na kapos na raw para ‘tuparin’ ang mga naipangako nila, I mean para makapagserbisyo na sila.
‘Yun naman pala.
Kaya naman pala ang mga pangako nila’y laging napapako sa kanilang constituents.
Pero kung tutuusin, ‘yang tanglong-taong termino ng mga mambabatas at iba pang elected officials ay maikli lang talaga para sa kanila, pero sa mga constituents na nakatiyempo ng mga buraot at politikong makakapal ang mukha, parang pelikula ni Nora Aunor ‘yan. Ngiging “Tatlong Taong Walang Diyos” ang buhay ng mga mamamayan.
Parang walang nakaririnig sa kanilang mga hinaing at sila’y namumuhay nang miserable at laging parang mga timawang nakikiusap sa mga politikong sila ang nagluklok sa posisyon.
Tapos gagawing limang taon?!
E bakit noong sinusuportahan ng mga mamamayan ang anti-dynasty law, hindi naman minadaling isabatas ng Kongreso?!
Mas mabilis bang makapangalap ng consensus kapag dagdag-power sa mga politiko kaysa ‘pagkapon’ sa kapangyarihan ng angkan-angkang politiko sa iba’t ibang puwesto sa gobyerno?!
Nagtatanong po ang mga mamamayan ng bayang magiliw…
Pakisagot lang po!
WOW NA WOW!
MOCHA USON
ITINALAGA
SA OWWA
KUNG tutuusin, sa Mayo pa ang anibersaryo ng pagkatalo sa eleksiyon ni Mocha Uson.
Si Mocha, ang entertainment personality na ipinasok sa administrasyong Duterte bago naisipang tumakbong party-list representative noong eleksiyon nitong nakaraang buwan ng Mayo.
Pero minalas si Mocha, hindi niya nai-convert sa solidong boto ang kanyang 5,000,000 social media supporters. Kaya hayun, lumagapak siya noong nakaraang eleksiyon.
Ngayon, pitong buwan bago ang anibersaryo ng kanyang pagkatalo (take note, pitong buwan pa lang, wala pang isang taon), itinalaga siyang deputy administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa inilabas na listahan ng presidential appointees nitong nakaraang Lunes, 26 Setyembre, ang tinaguriang pro-administration blogger ay itinalaga noong 23 Setyembre 2019, bilang Deputy Executive Director V (Deputy Administrator) ng OWWA, attached agency ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Noong May 2019 midterm elections, tumakbo si Mocha bilang representative ng AA Kasosyo party-list pero olat nga.
Hindi pa rin nalilimutan ng sambayanan ang kanyang ‘pepedederalismo’ video jingle kasama ang blogger-friend na isang Drew Olivar, at isa pang video na pinaglalaruan ang sign language.
Inakala ng mga kritiko ni Mocha na tumahimik na ang kanyang ‘karera,’ pero ngayong naitalaga siya sa OWWA, sa hindi pa tamang panahon, lumilikha na naman ito ng ‘bagong ingay.’
Gusto tuloy nating itanong, mayroon bang tumatrabaho kay Mocha sa loob mismo ng kampo ni Pangulong Digong para lagi siyang mapag-initan ng kanyang mga kritiko?
Pakisagot na nga po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap