MARAMI ang nagandahan sa pelikulang G! Ito ang pare-parehong reaksiyon ng mga nakapanood ng premiere night nito noong Martes ng gabi sa SM Cinema, SM North Edsa. Ang G! Tropa Movie ay pinagbibidahan nina McCoy de Leon, Mark Oblea, Paulo Angeles, at Jameson Blake. Entry ito ng Cineko Productions sa 2019 Pista ng Pelikulang Pilipino.
Nagandahan kami sa pagkakagawa nito na naiiba sa karaniwang barkada movie na napapanood. Maayos at malinaw ang pagkakakuwento. Madaling intindihin. Ayos na ayos din ang pagkakadirehe ni Dondon Santos.
Lalo pang naging maganda ang istorya sa pagkakasama ng iba pang cast na sina Kira Balinger, Jao Mapa, Rosanna Roces, Roxanne Barcelo, Moi Bien, Alora Sasam, Gio Alvarez, Patrick Sugui, Dominic Roque, Nick Parker, Lara Quigaman – Alcaraz, at Joey Marquez na mahahalaga ang papel na ginampanan.
Parang may pagkakahawig sa tunay na buhay ang pag-aagawan nina McCoy at Jameson sa iisang babae, si Kira. Karelasyon kasi ni McCoy si Kira sa G! pero ang tunay na mahal ay si Jameson kaya naman natatawa at nagkakahiyawan sa loob ng sinehan. Alam naman nating dating GF ni McCoy si Elisse Joson na ngayo’y iniuugnay kay Jameson.
Sa totoo lang, bumagay kay McCoy ang karakter dahil sa pagiging ‘baby boy’ na wala pang muwang sa lahat ng bagay.
Maraming mga kaibigan ng apat ang sumuporta sa premiere night tulad ni Nick Parker na umuwi pa ng Pilipinas mula Europe para bigyang suporta ang mga kaibigan.
Nakita rin namin si Mutya Orquia na sinuportahan si Kira na ate niya sa Pamilya Ko.
Naroon din si Chynna Ortaleza–Cipriano para sa kanyang asawang si Kean Cipriano na siyang sumulat ng soundtrack ng G; gayundin sina Jason Dy, Victor Anastacio (O-Shopping), Luigi Revilla, Allora Sasam, Direk Jason Paul Laxamana, at marami pang iba.
Mapapanood na ang G! simula Setyembre 13 sa mga sinehan.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio