PINARANGALAN ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang veteran actress na si Anita Linda bilang bahagi ng pagdiriwang sa Sandaan: Ika-Isang Daang Taon ng Philippine Cinema at Mother’s Day.
Kinilala ang naiambag ng veteran actress sa Philippine cinema sa Sandaan: Dunong ng Isang Ina na ginanap noong Hunyo 16, 2019 sa Cinematheque Centre Manila.
Binigyan ng achievement award si Ms. Anita para sa mga kontribusyon niya bilang isang artista at mentor sa film industry. Kasabay ng pagbibigay-pugay kay Ms. Anita ang The Life of Anita Linda: An Exhibit na nagtatanghal ng iba’t ibang yugto sa buhay nito bilang artista, kabilang na ang tanyag niyang mga pelikula at role, pati na rin ang memorabilia na kaugnay sa kanyang buhay at career.
“Isa talagang alamat si Anita Linda sa industriya. Natulungan niyang mahulma ang Philippine cinema sa pamamagitan ng mga ambag niya sa loob ng mga dekada. Binibigyan niya tayo ng mahuhusay niyang acting performances, at nagsisilbi rin siyang haligi ng mga henerasyon,” ani FDCP Chairperson and CEO Mary Liza Diño. ”Hindi lang sa marami niyang roles sa maraming taon kundi pati na rin ang paggabay at pag-mentor niya sa likod ng camera ang nag-empower sa mga kababaihan. Binigyan niya rin ang mga kababaihan ng boses na nagbibigay-lakas, kariktan, at pakikiramay,” dagdag pa niya.
Gumawa ng sariling pangalan si Ms. Anita o Alice Lake, sa ebolusyon niya mula sa pagiging romantic lead noong kabataan niya hanggang sa pagganap niya sa maternal o elderly roles na umani ng critical acclaim. Lumabas din siya sa iba’t ibang Filipino films, gaya ng Presa ni Adolfo Alix, Jr., Sisa, at Ang Sawa sa Lumang Simboryo ni Gerardo de Leon, at Lola ni Brillante Mendoza.
Sa edad na 94, si Anita ang itinuturing na pinakamatandang active actress sa local film industry. Kamakailan, ang pinagbidahan niyang pelikulang Circa ni Adolf Alix, Jr. ay nanalo ng White Light Post-Production Award sa Hong Kong-Asia Film Financing Film Forum (HAF) noong Marso 2019.
Samantala, noong 2017, pinangalanan ng FDCP si Lily Monteverde bilang Ina ng Pelikulang Pilipino para sa kanyang commitment at impact sa Philippine movie industry sa loob ng maraming taon.
Si Maria Azucena Vera-Perez Maceda, o mas kilala bilang Manay Ichu, ay pinarangalan din para sa kanyang kontribusyon sa film industry sa event na A Spotlight on Mothers of Philippine Cinema na ginanap noong 2018.
Ngiti, hagulgol, at pasasalamat
Sa kabilang banda, napahagulgol si Ms Anita matapos iabot ni Dino ang plake ng pagkilala. Dinaluhan ang naturang pagtitipon ng mga kamag-anak at kaibigan ni Ms Anita gayundin ni Direk Adolf na nagbigay ng mensahe kung paano maging katrabaho ang isang aktres na tulad niya.
Sambit ni Ms. Anita habang humahagulgol, “hindi kaya ng bigat ng dibdib ko, all I can say is thank you, salamat, thank you! Thank you, thank you. Ama, Ama, salamat po!”
Nagbigay din ng mensahe ang isa sa pamangkin ni Ms Anita, ang anak ng bunso niyang kapatid.
Ayon sa pamangkin, 13 magkakapatid sina Anita at paborito nito ang kanyang ina.
At dahil si Ms. Anita na lang ang natitirang buhay sa magkakapatid, siya ang nagsilbing magulang sa kanyang mga pamangkin kaya naman ganoon na lamang ang kanyang pasasalamat sa tiyahin.
Sinabi pa ng pamangkin na wala ni isa sa kanila ang sumunod sa yapak ng tiyahin subalit ite-treasure nila ang pagkakaroon ng isang mahusay at iginagalang na artistang tiyahin.
Nagpasalamat din sila sa pagpapahalagang ibinigay ng FDCP kay Ms. Anita.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio