ILANG mga magulang ang nagreklamo dahil sa sandamakmak na ‘walwalan’ o inuman diyan sa area ng mga kilalang eskuwelahan sa Fidel Reyes St., sa Malate, Maynila.
Kapag sinabi po ninyong Fidel Reyes St., marami ritong condo o dormitory na ang mga estudyante ay nag-aaral sa De La Salle University, DLSU St. Benilde, at St. Scholastica College.
‘Yang tatlong paaralan na ‘yan ay pawang pinatatakbo at pinamumunuan ng Benedictine brothers and sisters.
Diyan po piniling magpaaral ng mga magulang para matiyak na ang kanilang mga anak ay nasa mabuting mga kamay.
Walang duda at walang kuwestiyon ang pangangalaga at paghubog ng tatlong unibersidad sa kanilang mga estudyante. Taon-taon ay nakapagpo-produce sila ng mga board passers and topnotchers sa iba’t ibang kurso at larangan ng edukasyon at siyensiya.
Pero ang idinaraing ng mga magulang, ang mga lugar kung saan dumaraan ang kanilang mga anak malapit sa mga condo at dormitory nila ay kabi-kabila ang walwalan, gimik bars o inuman.
Sabi nga, mapagpasya ang internal na salik sa personalidad ng isang tao, pero alam naman natin na ibang mag-isip ngayon ang mga millennials. Hindi sila kayang ‘disiplinahin’ ng salitang bawal.
Ang katuwiran nila, kung bawal bakit pinapayagan ng pamahalaan ang pagtatayo at pagbubukas ng mga ‘walwalan’ malapit sa kanilang mga unibersidad?!
Kaya kung nag-i-exist nga naman, ibig sabihin hindi bawal?
Kaya siguro namamayagpag ang Local Cavern, The Barn, Downtown, V-Bar, One Stop, Taft Spot, at Double Down Wings diyan sa area ng Fidel Reyes St., na ilang metro lamang ang layo sa De La Salle na pinatatakbo at pinamamahalaan ng Catholic institutions.
Bilib nga tayo sa tindi ng lakas ng loob ng nasabing mga ‘walwalan,’ parang beerhouse na may happy hour, 3:00 pm o 4:00 pm bukas na, at inaabangan ang mga estudyanteng menor-de-edad galing sa mga unibersidad para pumasok sa kanila.
By the way, may permit ba sa city hall ang mga ‘walwalang’ ito para magpainom ng mga inuming may alcohol?!
E sino nga bang magulang ang mapapanatag kung ganyan ang kapaligiran ng kanilang mga anak?!
Hindi na ba uso ang ‘zoning’ sa Fidel Reyes St., sa Maynila?!
Bulag, pipi at bingi ba ang mga barangay officials at Malate police community precinct (PCP) sa sandamakmak at kabi-kabilang walwalan!?
Patuloy na lang bang magrereklamo ang mga magulang pero walang makikinig sa kanilang mga hinaing?!
Lalo na ‘yung mga nakatira riyan sa green residences!
Hindi na tayo magtataka kung mabawasan ang enrolees ng tatlong kolehiyo at unibersidad na nasa area na ‘yan kung patuloy na mamayagpag ang mga ‘walwalan’ sa area na ‘yan…
Paging Malate police station commander, Supt. Roberto Domingo, Sir!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap