NAIS ni Senadora Loren Legarda na panagutin ang mga opisyal at mga kontraktor ng National Housing Authority (NHA) dahil sa hindi ligtas at substandard na estruktura ng mga proyektong pabahay.
Ayon kay Legarda, sapat na pondo ang ipinagkakaloob ng pamahalaan para matiyak na magkaroon nang maayos na pabahay para sa mga biktima ng kalamidad o sakuna at sa mga relokasyon ngunit bigo ang mga mamamayan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, pinuna ni Legarda ang pagkaantala ng ilang mga pabahay ng pamahalaan sa kabila nang sapat na pondong nakalaan dito.
“These housing programs are being funded by taxpayers’ money, allocated through GAA. So why does this regularly happen? Somebody has to be liable for the irresponsible use of inferior, substandard and even inappropriate construction materials,” ani Legarda.
Dahil dito, iginiit ni Legarda na hindi dapat palampasin ng pamahalaan ang mga umaabuso sa pera ng taong bayan na nabibigong ibigay ang tamang serbisyo sa bawat mamamayan nito.
“All these issues are not new to us, or to the agency, and they need to be addressed because this is an example of wasting the people’s money. Wastage and inefficiency in government programs undermine the confidence of the people in the institution,” dagdag ni Legarda.
Kinuwestiyon din ni Legarda ang NHA sa paggawa ng mga pabahay sa mga lugar na wala namang basic utilities.
“Why is the National Housing Authority building communities and relocation sites where there’s no electricity and no access to water? Why use the taxpayers’ money and government funds for land that is far-flung, and where you don’t provide basic utilities?” tanong ni Legarda.
Dahil dito, hiniling ni Legarda sa NHA na magsumite ng ulat sa bawat proyektong pabahay ng pamahalaan kalakip ang pangalan ng mga kontraktor, gastos, updated balance, at kasalukuyang estado ng housing program.
Hiniling din ni Legarda sa Senado na ipatawag sa susunod na pagdinig ang local government officials sa mga lugar na itinayo ang relocation sites, kinatawan ng mga biktima ng kalamidad, mga kontraktor ng mga inirereklamong pabahay, mga regional at field engineers ng NHA.
(NIÑO ACLAN)