HINDI sinamantala nina Direk Joven Tan na ipalabas ang Tatlong Bibe noong kasikatan ng kanta nito last year dahil intended talaga ito sa Metro Manila Film Festival 2016. Sad to say, hindi ito pinalad sa Top 8 na kasali sa filmfest pero naniniwala siya na may magandang purpose si God kung hindi man ito napasama.
Bagamat comedy ang nasabing nursery rhyme ginawa niyang drama ito sa pelikula para maiba. ‘Pag comedy kasi ay baka fantasy ang maging ending. Tumatalakay ito sa pag-asa, pagbibigay, pagpapatawad, pagmamahal, at Filipino values.
Bida sa Tatlong Bibe sina Marco Masa, Raiko Matteo, at Lyca Gairanod.
Isa sa pasabog ng pelikula ay si Mommy Dionisia dahil hindi siya nagpatawa kundi nagdrama bilang asawa ni Eddie Garcia.
Ang pagiging komedyante ni Mommy D ay inilalaan ni Direk Joven sa gagawing launching movie ng ina ni Manny Pacquiao sa Regis Film Entertainment. Ang tentative title ay Lady D and the Wonder Bra. Si Derek Ramsay ang napipisil nilang leading man.
Ayon pa kay Direk Joven, nakipagsabayan kay Eddie ang ina ni Pacman. Wala raw attitude si Mommy D sa shooting pero laging may kasamang dalawang bodyguards. Sumasama rin daw ang boyfriend ni Mommy D sa set.
Anyway, ang premiere night ng Tatlong Bibe ay sa February 13 sa SM Megamall.
Sa March 1 ang showing nito na kasama sa cast sina Edgar Allan Guzman, Rita Avila, Luis Alandy, Sharlene San Pedro, JK Labajo, atbp..
Ito ang comeback movie ni Mommy D pagkatapos ng pelikula niya noong 2009 na Tanging Pamilya with Mayor Erap Estrada, Ai Ai delas Alas, Sam Milby, at Toni Gonzaga.
Sinabi rin ni Direk Tan na wala silang pinatay na hayop sa kabuuan ng movie kahit may isang bibe na namatay. Actually, kung ano raw ang pag-aalagang ginawa nila sa mga artista ay ganoon din ang treatment nila sa mga bibe at iba pang hayop na mapapanood sa pelikula.
TALBOG – Roldan Castro