HABANG tinitipa namin ang balitang ito ay kaliwa’t kanan ang natatanggap naming mensahe na ilang sinehan na sa Metro Manila at probinsiya ang sold out ang una at ikalawang screening ng Imagine You & Me na launching movie nina Alden Richards at Maine Mendoza.
Hindi naman kami nagtaka sa balitang ito dahil sa advance screening palang ng IYAM na ginanap noong Martes sa dalawang sinehan sa Megamall ay grabe na ang tao dahil umabot na hanggang ground floor ang pila papaakyat sa 3rd floor.
Hindi naman lugi ang ibabayad ng mga manonood sa Imagine You & Me dahil maayos ang pelikula, malinaw ang kuwento at maayos din ang pagkakadirehe ni direk Mike Tuviera dahil ang ganda ng Italy at marami siyang big scenes at talagang na-maximize nila ang kagandahan ng bansa as in marami silang napuntahang magagandang lugar at restaurants na hindi pa namin napanood sa mga pelikulang Filipino.
Hindi halata ang pagkakalagay ng produktong iniendoso nina Alden at Maine tulad ng McDonalds na inabot ng pamangkin ng aktres para hindi raw siya magutom sa biyahe pa-Italy at Betadine na ipinanggamot sa sugat sanhi ng pagkakadapa sa kahahabol sa aktor.
Halatang magastos ang pelikula dahil entire shooting ay sa Italy ginanap at umabot sa 38 staff and crew ang dinala ng APT Entertainment bukod pa mga artista at kasama nila.
Generous ang producers ng Imagine You & Me, hindi nila tinipid at balita rin namin na pati mga pagkain ay bonggacious din.
Tungkol naman sa pelikula ay wala namang bago sa kuwento pero malinaw ang pagkakalatag ng writer na kaya nagpunta ng ibang bansa si Maine bilang si Gara ay para tulungan ang pamilyang naghihirap (ipinakita sa pelikula) at hindi na siya kayang pag-aralin.
At si Alden bilang si Andrew ay pumunta ng Italy para sundan ang girlfriend niyang si Jasmine Curtis as Isay dahil tinanggihan ang alok niyang kasal.
Bukod sa trabaho ay nangangarap din si Maine na makahanap ng boyfriend dahil nga hindi pa niya ito nararanasan hanggang sa nakita niya si Alden sa park na madalas pinagtatambayan na malungkot at malalim ang iniisip.
Nakilala ni Andrew si Maine sa bahay niya na amo ng huli ang stepmother nitong si Irma Adlawan.
Akala ni Andrew si Gara ang kumuha ng bag niya na ninakaw sa park at kasabwat pero nagkalinawagan naman.
Malinaw din ang kuwento na kaya hindi feel ni Alden ang stepmom niya na dating care giver ng ama ay inakalang inagaw ang tatay niya sa nanay nito.
Pero ang totoo, ang nanay ni Alden ang nangaliwa sa isang Pinoy at umuwi ng Pilipinas na dala ang aktor noong bata pa kaya hindi niya nakagisnan ang amang namatay na.
At dahil ang care giver na si Irma at tatay ni Alden ang parating magkasama sa hirap at lungkot kaya nagkatuluyan.
Mabait na stepmom si Irma dahil maski na hindi maganda ang pakitungo sa kanya ng stepson niyang si Alden ay inunawa niya ito lalo’t may pinagdaraanan dahil broken-hearted.
May iba pang trabaho si Maine at isa sa amo niya si Jasmine na hindi naman niya alam na siya pala ang ex-gilrfriend ni Alden na matagal ng hinahanap pala na ayaw magpakita dahil malapit ng mamatay sa sakit na leukemia.
Hindi namin ikukuwento pa ang mga sumunod na eksena para hindi mawala ang surprise ni direk Mike sa fans nina Alden at Maine na tiyak na maloloka sila.
FACT SHEET – Reggee Bonoan