FIRST time pa lang naming nakita ang trailer ng forthcoming TV series na The Greatest Love mula ABS CBN, bumilib na agad kami sa acting ng lead star nitong si Ms. Sylvia Sanchez. Kakaiba kasing galing ang ipinamalas dito ng ermat nina Arjo at Ria Atayde.
Gaya nang inaasahan ko, marami rin sa nakapanood ng teaser nito ang nagpahayag ng papuri sa husay ng performance rito ni Ms. Sylvia.
Nang nakarating sa aktres ang positive na feedbacks na mostly sa netizens, aminado siyang nakaramdam daw ng pressure.
“Sa mga nagdaan kong soaps okay lang ako, medyo relax pero ngayon hindi ako puwedeng mag-relax. Kasi teaser pa nga lang ang lumabas, ang dami na namin nakuhang mga papuri which is nakaka-pressure talaga,” saad ng award winning actress sa panayam ng Push.com.
Dagdag pa ni Ms. Sylvia, “Kung kailan ako nagkaka-edad ‘tsaka naging ang ganda ng career, noong una ang sexy ko, waley. Ngayong lumaki ako, heto tuloy-tuloy… In His time.”
Sa seryeng ito, siya si Gloria, isang ina ng apat na anak na mayroong Alzheimer’s disease. Ipakikita rito ang mga sakripisyong kayang gawin ng isang ina para sa kanyang mga anak.
Bilang preparasyon sa papel niya rito, nagpunta pa raw si Ms. Sylvia at nag-obserba mismo sa mga taong may ganitong karamdaman.
“Ako mismo ang nagpupunta roon sa may mga Alzheimer’s, iyong mannerism, iyong mata niya, basta kung ano siya kapag umaatake iyong ganoong klase ng sakit,” esplika pa niya.
Ito ang maituturing na biggest break ni Ms. Sylvia bilang isang aktres at ayon pa sa kanya, talagang todo-bigay siya sa papel niya rito dahil ang mga ganitong pagkakataon ay minsan lang dumating sa mga beteranang aktres na tulad niya.
Ang The Greatest Love ay magsisimula nang mapanood sa July 18. Ito’y mula sa direksiyon ninaDado C. Lumibao at Mervyn Brondial at tinatampukan din nina Dimples Romana, Andi Eigenmann, Matt Evans, at Arron Villaflor.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio