FINALLY, after almost a year ay maipalalabas na ang pinakaaabangang gay-themed movie na Pare Mahal Mo Raw Ako na hango sa Himig Handog P-Pop Lovesongs 2014 entry of the same title interpreted by Michael Pangilinan, na siyang bida rin sa pelikula katambal si Edgar Allan Guzman na gumanap na gay best friend na na-inlove sa kanya.
“Thank God at maipalalabas na finally sa malaking telon itong napakasayang pelikula naming ‘Pare Mahal Mo Raw Ako’. Minsan na nga lang tayo nakaaarte sa screen, akala ko mauunsiyami pa. Ha!Ha!Ha!” natatawang sabi ni Michael.
Patuloy niya, ”Dito ko pa naman ibinuhos ang kaunting nalalaman ko sa pag-arte tapos natagalan pa bago maipalabas. Pero ngayon puwede na nating i-announce that we got the June 8 playdate na and that’s final.”
Aminado si Michael na noong una ay ayaw niyang tanggapin ang pelikula. Hesitant kasi siyang umarte dahil hindi naman talaga siya isang artista kundi isang singer.
“Pero nang ikuwento sa akin ni Direk Joven Tan (ang director ng pelikula) at ng manger kong si ‘Nay Jobert Sucaldito ang buod ng ‘Pare Mahal Mo Raw Ako’, I told myself to give it a try. After all, minsan lang naman mangyayari ito, eh, ‘yung pag-arte ko. And in fairness hindi ako nahirapang umarte dahil inalalayan ako ni EA (palayaw ni Edgar Allan) sa maraming scenes. Sa kanya ako nanghingi ng tips kung paano gagawin ang ibang eksena.”
Sa pelikula, hindi pinatulan o nakipagrelasyon si Michael kay EA pero hindi niya ito iniwasan, nanatili pa rin silang best friend. Sa totoong buhay ay maraming kaibigang bading si Michael pero wala ni isa man sa mga ito na nagtapat sa kanya na may gusto sila. Pero hindi raw nagsasara ng pintutan si Michael sa posibilidad na pumatol siya sa bading.
“Ayokong magsalita ng tapos na hindi ako papatol sa bading. Pero sa ngayon, hindi talaga hangga’t kumakain pa ako ng tatlong beses sa isang araw.
“Pero hindi naman sa pera lang ang habol ko sa bading. Ang ibig ko lang sabihin ‘yung kapag walang-wala na ako, talagang naghihirap na ako, ‘yung wala na akong matatakbuhan, tapos may dumating na pagkakataon na may bading na nagkagusto sa akin na makatutulong sa akin, baka sakaling pumatol ako,”paliwanag pa ni Michael.
Bukod kina Michael at EA, kasama rin sa pelikula sina Joross Gamboa, Martt Evans, Anna Capri, Katrina Legaspi, Nikko Seagal, Miggy Campbell, at Ms. Nora Aunor.
( ROMMEL PLACENTE )