11th Inding Indie Film events, maghahandog ng art exhibit ni Ron Sapinoso at bagong pelikula ukol sa sektor ng OFW at Vulnerable Groups

Inding Indie Film events Ron Sapinoso

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

SA pagdiriwang ng ika-11 anibersaryo ng Inding Indie Film events, muling maghahandog ng isang pambihirang art exhibition ang kilalang alagad ng sining mula Cavite na si direk Ron Sapinoso.

Gaganapin ang nasabing eksibisyon ngayong darating na Oktubre 27, na ang ilan sa kanyang mahuhusay na gawa sa canvass ay opisyal na ibabandera at ilalantad mismo sa red carpet upang buksan ng mga panauhin mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Pelikulang May Makabuluhang Mensahe:

Kasabay nito, buong pagmamaking inihayag ng CEO at Executive Producer ng Inding Indie na si Mr. Ryan Manuel Favis ang ukol sa kanilang pinaghahandaang pelikula na may pamagat na “Anak Narito Ang Iyong Ina, Ina Narito Ang Iyong Anak.”

Nakatutok ang pelikula sa pagpukaw sa atensiyon ng gobyerno at lipunan kaugnay sa totoong pinagdadaanan ng ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at ng mga magulang na nawawalay sa kanilang mga anak.

Bukod dito, binibigyang-diin din ng proyekto ang suporta sa mga marginalized sectors o maliliit na estado sa lipunan, kabilang ang mga janitor, security guard, street vendor/tindero, tricycle driver, at mga Persons with Disability (PWDs).

Mabibigat at kilalang mga artista ang magbibigay-buhay sa pelikulang ito na pinangungunahan ng “Prince of Mall Show” na si Jake Vargas, kasama sina Mercedes Cabral, Alan Paule, Inah De Belen, at ang nagbabalik sa indie film na si Katherine Luna.

Gaganap naman sa mahalagang papel bilang ‘Susan’ ang aktres at Noble Queen na si Maria Rosa (Rufina Villena Gelston).

Ang nasabing pelikula ay pamamahalaan ng tatlong mahuhusay na direktor sa kanilang henerasyon na sinanay mismo ni Direk Ron. Sila ay sina Andrei Bagos, Shirly Favis, at Ryan M. Favis.

Sining na May Layunin at Paglilingkod:

Sa kabila ng mga tagumpay, nananatiling mababa ang loob ni Sapinoso. Nagpapasalamat siya sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa kanyang sining kahit hindi niya itinuturing ang sarili bilang isang sikat na personalidad, at malaking bahagi ng kanyang lakas ay nagmumula sa kanyang pag-asa at takot sa Diyos.

Ang pagsisikap ni Direk Ron sa kanyang sining ay nakatali rin sa kanyang paglilingkod sa simbahan at pamayanan. Ang bawat painting na maibebenta sa eksibisyon ay magsisilbing tulong at “butil ng pangarap” upang makapagpatayo at magkaroon nang maayos na tirahan o bahay-sambahan para sa kanilang komunidad.

Suporta Mula sa Iba’t ibang Sektor:

Lubos din ang pasasalamat ng organizers sa mga kilalang personalidad at advocates na nagpahatid ng buong-pusong suporta sa proyektong ito, kabilang sina: Ms. Rosarie Ledesma, na bukas-palad na tumulong sa aktibidad; Hon. Chinggay Bilaos ng Barangay Bagong Pag-Asa, Quezon City, na kilalang advocate para sa mga may kapansanan; Ms. Sinclaire Castro ng Noble Queen; at Rufina Villena Gelston (Maria Rosa), isang Noble Queen at aktres na masugid na tagasuporta ng culture, arts, at Neurodivergent community.

Kabilang din sa mga inaasahang dadalo at susuporta sa malaking kaganapang ito sina Ms. Erilene Noche, Lucille Cometa, Maribel Medrano Obrero, Myse Salonga, Jenny Ortega, Jessie Guinto, Chuchi Tan, at Dr. Fritzie Noche.

Ang mahalagang programang ito ng Inding Indie ay katuwang din ang Startup Agency ng Cabuyao, Laguna, bilang bahagi ng kanilang dedikasyon sa pagsusulong ng pakikipagkapwa-tao at pagmamahal sa bayan.

Para sa karagdagang impormasyon at media inquiries: maaaring makipag-ugnayan sa Inding Indie Film Festival Media Relations Office.