MATABIL
ni John Fontanilla
MALAKING pressure para sa tinaguruang VMX King na si Benz Sangalang ang gampanan ang role ng mahusay na aktor na si Raymond Bagatsing sa pelikulang Sukdulan.
Sa remake kasi ng pelikulang ito na hatid ng VMX ay si Benz naman ang gaganap sa role na mahusay na nagampanan ni Raymond.
Ayon nga kay Benz, “Siyempre pressure ‘yung matapatan mo man lang ‘yung original, pero malabo ‘yun eh.”
Dagdag pa nito, “Parang ganoon lang ‘pag binibigyan ako ng remake na pelikula kahit malapitan ko man lang ‘yung original na gumanap sa pelikula when it comes to acting parang ganoon lang.
“Ginagampanan ko ‘yung character na ginampanan noon ni Raymond Bagatsing. Ako po medyo pressure kasi napakagaling na aktor ni Raymong Bagatsing.”
Nanood din siya ng iba’t ibang pelikula ni Raymond para makita kung paano umaatake sa bawat role ang mahusay na aktor.
“Nanood din ako ng ibang mga pelikula hindi lang ‘yung ‘Sukdulan,’ nanood din ako ng ibang movie niya, tinitingnan ko lang din ‘yung iba’t ibang role na ginampanan niya and if paano siya umatake sa mga role na ibinibigay sa kanya.
“May mga eksena kasi rito na parang badboy ako, para makuha ko man lang na medyo may similarities kami ng transition na minsan mabait siya, minsan salbahe.
“Parang ganoon, ‘yung tinitingnan ko sa kanya, kasi alam naman natin kung gaano kagaling na aktor si Raymond Bagatsing.”
At sa bawat eksena ay humihingi ng advice at guidance si Benz sa kanilang direktor na si Direk Law.
“Tungkol naman sa acting na kailangan sa eksena, humingi ako ng advice kay Direk Law, sa direktor namin… parang ‘direk okey na ba ito, anong gusto mong atake?’
“Kay Direk Law lang talaga ako humihingi ng advice, alam ko naman na beteranong direktor na si Direk Law kaya alam niya kung tama ba ‘yung ginagawa namin, kasi kahit kaunting mali ipapaulit niya sa amin.
“Sa tingin ko naman maganda naman ‘yung kinalabasan ng pelikula namin, maayos naman.”
Makakasama ni Benz sa pelikula sina Shalanie De Vera at Alexa Dela Cruz. Directed by Law Fajardo. Mapapanood na ngayong October 23 only on VMX.
