NAGOYA — Baon ang pag-asa at determinasyong makasabay sa pinakamahuhusay na atleta sa Asya, handa ang Team Philippines sa mas mabigat na hamon sa ika-5 Asian Para Games na pormal na binuksan nitong Linggo ng gabi sa Paloma Mizuho Sports Park sa Nagoya, Japan.
Tinatayang 5,000 atleta, coach, opisyal at panauhin mula sa Japan at iba’t ibang bansa ang dumalo sa makulay na seremonya na nagpakita ng kasaysayan at kultura ng Japan.
Aabot sa 45 bansa, kabilang ang 69-kataong delegasyon ng Pilipinas, ang maglalaban para sa karangalan sa 18 sports sa walong araw na kompetisyon.
Pinangunahan nina Lhey Manginsay ng table tennis at Allain Ganapin ng taekwondo ang delegasyon bilang mga flag-bearer. Kasama rin sa parada sina chef de mission Francis Diaz at deputy CDM Judd Anastacio, na buong pagmamalaking nagmartsa sa kanilang Filipiniana attire.
Nag-uumapaw ang kumpiyansa ni Manginsay matapos talunin si Nadima Nurbekova ng Tajikistan, 11-9, 12-10, 11-1, sa women’s singles Class 9 ng table tennis sa Sky Hall Toyota.
Tiyak na pasok na sa quarterfinals ang 22-anyos na taga-Zamboanga Sibugay dahil walo lamang ang kalahok sa kanyang kategorya. Umaasa siyang makatutulong ang panalo upang madagdagan ang kanyang kumpiyansa at maiwasan ang mas matitinding kalaban sa susunod na round.
Naging pampalubag-loob din ang tagumpay matapos siyang yumukod kay Mao Jingdian ng China, isang three-time Paralympic gold medalist, sa iskor na 9-11, 10-12, 1-11.
Nagbigay rin ng pag-asa si Smith Billy Cartera matapos durugin si Myagmartsogt Purevdorj ng Mongolia, 11-4, 11-2, 11-1, para makausad sa Round of 16 ng men’s singles Class 4-5. Sunod niyang makakaharap si Norakan Chanphaka ng Thailand sa Lunes para sa puwesto sa quarterfinals.
Sa swimming, aasa ang Pilipinas sa beteranong si Ernie Gawilan upang makapaghatid ng medalya, partikular ang pinakaaasam na gintong medalya.
“Sana magawa natin ulit. Kapalaran na ang magsasabi bukas,” ani Gawilan, 35, na target na malampasan ang isang ginto at isang tansong medalya na naiuwi niya sa nakaraang edisyon sa Hangzhou, China, tatlong taon na ang nakalilipas.
Abangan din ang hataw ni Angel Otom, na nagwagi ng tatlong ginto sa ASEAN Para Games noong nakaraang taon sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Samantala, mas nakatuon ang Philippine cycling team nina Arthus Bucay, Patrick Lee at Nikko Peralta sa pag-ipon ng qualifying points para sa 2028 Los Angeles Paralympics kaysa sa medalya sa unang mga karera.
Aarangkada ang cycling sa Izu Velodrome at Japan Cycle Sports Center sa Izu, Shizuoka Prefecture, simula Lunes.
“Sa medal, wala kaming expectation sa event sa track. Sa road race kami focused bukas at Tuesday for the purpose of points for Paralympics,” pahayag ni national cycling coach Norberto Oconer, dating kinatawan ng bansa sa 1988 Seoul at 1992 Barcelona Olympics.
Sasabak ang 45-anyos na si Bucay, isang 2012 Paralympian at nagwagi ng ginto at tansong medalya sa 2018 Asian Games, sa 1-kilometrong individual time trial (ITT) sa track at road race.
Kasama rin sa aksiyon si Lee, 21, na nag-uwi ng tansong medalya sa Asian Para Track Championship sa Tagaytay noong Marso. Lalahok siya sa 1km ITT at individual pursuit sa track, gayundin sa 15km ITT at 65km road race.
Para kay Oconer, sina Bucay at Lee ang may pinakamalaking tsansang makapag-uwi ng medalya.
Samantala, umaasa rin ang Philippine para powerlifting team na makapagtala ng podium finish sa pangunguna nina Rico Canlas at Allan Paje, na sasabak sa kompetisyon sa Nagoya City Trade and Industry Center.
“Praying for a podium finish for any colors from our lifters, siyempre. They will definitely do their utmost best, we’ll see,” ani Philippine para powerlifting coach Adeline Dumapong.
Sa kabila ng matinding kompetisyon, determinado ang mga Pinoy para athletes na ibigay ang kanilang makakaya at ipakita ang tapang at husay ng mga Pilipino sa entablado ng Asya. (PSC/HNT)
