RATED R
ni Rommel Gonzales
WALANG duda na maihihilera na si Zanjoe Marudo sa pamilya Atayde ng misis niyang si Ria Atayde na mga mahuhusay artista.
Si Ria ay may award na bilang aktres, ito ay sa 30th PMPC Star Awards for Television na nagwagi siyang Best Female New TV Personality noong 2016 para sa mahusay niyang pagganap kahit baguhang artista pa lamang sa Puno ng Mangga episode ng Maalaala Mo Kaya (MMK).
At siyempre sino ba naman ang hindi nakaaalam at kumikilala sa napakaraming acting awards here and abroad na natamo na ng ina ni Ria na si Sylvia Sanchez at ang kuya ni Ria na si Quezon City 1st District Congressman Arjo Atayde ng Cattleya Killer, Bagman at marami pa.
At si Zanjoe, recently ay nagwaging Panalong Pangalawang Aktor (o Best Supporting Actor) sa katatapos lamang na 3rd Puregold CinePanalo Film Festival para sa pelikulang Apol of My Ai nila ni Zion Cruz at ni Rochelle Pangilinan.
Kaya nang banggitin kay Zanjoe na kahilera na siya ng pamilya ng misis niya pagdating sa husay sa pag-arte, ang natatawang pagpapakumbabang sambit ni Zanjoe ay, “Nahawa lang ako sa kanila!”
Kaya hindi malayong may makaisip na pagsamahin silang apat, Zanjoe, Ria, Arjo, at Sylvia sa isang pelikula para magtagisan sila ng kahusayan bilang mga dramatic actor.
Gusto iyon ni Zanjoe, pero ayon pa rin sa kanya, mas gusto niya na sa isang light drama/comedy ang ipagkaloob sa kanilang apat kung sakali.
“Para maiba naman,” sambit pa rin ni Zanjoe.
Samantala, nais din ni Zanjoe na makagawa ng isang biopic na papel ng isang bayani o Filipino historical figure.
