ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
FINALLY ay nakabalik na sa YouTube ang seryeng Drug War: A Conspiracy of Silence. Ito ay napapanood nang libre sa official YouTube channel ng Rein Entertainment.
Bandang last week ng August ay hindi naipalabas ang final at sixth episode nito, at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang nawala sa YouTube ang naunang limang episodes.
So, good news dahil mapapanood na nga ulit sa YouTube ang limang episodes nito, pati na ang finale ng nasabing serye.
Napanood namin ang katapusan nito sa ginanap na advance screening ng episode-6 nito sa Ultra Cinema, Uptown Mall, BGC last Tuesday. Definitely ay hindi ito dapat palagpasin. Exciting ang ending nito and at the same time ay nakapaninindig balahibo kung gaano katindi ang pagka-brainwash ng mga pulis mismo na sangkot dito, na pinaniniwala ang kanilang sarili na tama ang kanilang ginagawa para linisin daw ang lipunan.
Present sa talkback session after ng screening sina Direk Shugo Praico, at writers na sina Jonathan Guillermo at Noreen Capili. Dito’y pahapyaw na ipinaliwanag ni Direk Shugo ang nangyari sa pagkawala ng serye.
Aniya, “So, a few weeks back, we were pulled down, iyong first five episodes ng Drug War, pulled down from our YouTube channel. But the good thing is, bumalik na siya ngayon, we worked hard para makabalik siya.
“Kasi noong nawala, we got messages from people na nagtatanong, concerned and wanted to know what will happen to the story, mga ganyan. So iyon, alam namin na naghihintay ang audience.
“So, heto na siya ngayon and were very happy na bumalik na siya, and on Thursday (Oct. 8) we’ll be dropping the sixth, the final episode. Iyong episode po na pinanood ninyo ngayon. So, kompleto na siya by Thursday, buong-buo na iyong first season of Drug War,” pakli pa ni Direk Shugo.
Ang nasabing crime drama serye ay hatid ng Rein Entertainment at pinagbibidahan nina Ian Veneracion, Jane Oineza, at Harvey Bautista. Tampok din dito sina Romnick Sarmenta, Yayo Aguila, Joem Bascon, Ryan Eigenmann, Art Acuña, John Arcilla, Lotlot De Leon, Gabby Padilla, Miggy Jimenez, at iba pa.
Ang serye ay tungkol sa isang pari at isang pulis na nasangkot sa mapanganib na paghahanap sa katotohanan sa likod ng pagkamatay ng isang batang lalaki sa gitna ng brutal at madugong gera laban sa droga noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Anyway, isa kami sa umaasa na magkakaroon ng season 2 ang Drug War: A Conspiracy of Silence, para mas marami pang mata ang mamulat at maging paghugutan ito ng lakas ng mga biktima ng tokhang para makamit ang mailap na hustisya.
