MA at PA
ni Rommel Placente
SA segment ng Chika o Add to Cart, bagong daily show ng GTV na Chika Cart, kailangang pumili ang leader ng Sexbomb Girls na si Rochelle Pangilinan kung sasagutin ang tanong sa loob ng kahon (Chika) o magpa-pass (Add to Cart).
Palabang pinili ni Rochelle ang “Chika” at saka binasa ang question, “Masasabi mo na ba na ikaw ang pinakasikat na SexBomb?”
Mabilis na sagot niya, kahit kailan ay hindi niya itinuring ang sarili na pinakasikat sa SexBomb.
“Ako, ang tingin ko, hindi. Ang mga Filipino kasi, sa SexBomb, may kanya-kanyang fans.
“Feeling ko, lahat ng members, may fans. So, kung masasabi na ako ang pinakasikat, ako ang alam ko ay hindi.
“Kasi lahat ng mga ‘yan, may kanya-kanyang mga sikat na tinatawag. May mga follower ‘yan bawat isa na sumusuporta hanggang ngayon,” esplika ni SB Rochelle.
Sundot na tanong ng isa sa mga host ng show na si Donita Nose, hindi ba ito naging isyu sa kanilang grupo, lalo pa’t hindi mamatay-matay ang chika ng hindi pagkakaunawaan among some members of SexBomb Girls.
“Siguro, kung nagiging issue ito sa group, dapat nalalaman ko. Sa tingin ko, dapat wala.
“Kung ako tatanungin mo, kung sikat sila, wala naman issue sa akin. Sa akin kasi, naka-focus ako sa longevity ng SexBomb Girls,” lahad ng Kapuso star.
Samantala, sang-ayon naman si SexBomb Aira Bermudez sa palakad ni Rochelle sa kanilang grupo at napakataas din ng respeto niya sa aktres.
“Sa amin kasi, parehas kami ni Rochelle, pareho kaming leader ng grupo. Ako, pina-follow ko ‘yung lead niya kasi napakaganda talaga ng view niya sa SexBomb.
“Nagbibigay siya ng trabaho na kaysa intindihin niya ‘yung sarili niyang career, binibigyan niya kami ng chance.
“Pwede tayong mag-grupo-grupo, off-work pero kapag nasa trabaho tayo, we work as one,” ani Aira.
Nagpaliwanag din si Rochelle kung bakit may mga project ang grupo na wala ang ibang members, tulad na lang sa music video ng bago nilang single na Mama, Mama.
“Ang SexBomb, from ‘rAWnd 1 to 6’ na nabuo namin, never naman talaga kami nakompleto.
“Trenta mahigit kami para makompleto at may kanya-kanya ‘yang responsibilities sa bawat bahay kaya sa akin, kung sino ‘yung available, ‘Oh, gusto mo? Tara gawin natin ‘to!’ ‘Oh ayaw mo? Sige pahinga ka!’ ‘Papagamot ka? Pagamot ka muna!’
“Sa akin, ‘yung health ‘yung una kasi hindi naman na kami bata,” aniya pa.
Pahabol naman ni Aira, “Hindi hihinto ang mundo ng SexBomb kung may isang may ayaw. We have to move on.”
