TOYOHASHI, Japan — Sa edad na 18, agad nagpakitang-gilas si Juliana Candelaria sa kanyang unang pagsabak sa Asian Games matapos masungkit ang silver medal sa women’s individual poomsae nitong Huwebes sa Toyohashi Gymnasium.
Nagtala si Candelaria ng 9.1300 puntos sa gold-medal round para pumangalawa kay South Korean Jung Haeun, na nagkampeon sa iskor na 9.3100. Bronze naman ang napunta kay Thailand’s Thitaree Kaewolanwasu na may 9.0400.
Una nang nakakuha si Candelaria ng 9.200 puntos sa recognized poomsae routine bago nagtala ng 9.060 sa freestyle round.
“It’s such an amazing achievement for me. It’s my first Asian Games,” ani Candelaria sa One Sports.
Nagpasalamat din ang batang pambato sa kanyang pamilya, mga coach at teammates na naging bahagi ng kanyang tagumpay.
Ayon kay coach Rani Ortega, bunga ng sama-samang pagsisikap ng buong koponan ang pagkakaakyat ni Candelaria sa podium.
Ang pilak ni Candelaria ang ikalimang silver medal ng Pilipinas sa kasalukuyang Asian Games, kasunod nina Jean Claude Saclag (MMA), Marie June Adriano (karate), Philippine women’s sepak takraw team at Amaya Amparo Cojuangco (archery).
“Ang mati-take ko na lesson here is live in the moment,” ani Candelaria, na sinabing pinili niyang namnamin ang bawat sandali at maging mapagpasalamat sa kompetisyon.
Samantala, binigyang-diin ni Ortega ang kahalagahan ng tiwala, pagsisikap at teamwork sa pagkamit ng medalya.
“Hard work really pays off, with the trust and teamwork of all of us,” ani Ortega. (POC Media Pool/HNT)
