MAS pinalalawak ng Philippine Football Federation (PFF) ang paglinang sa mga batang footballer sa buong bansa sa pamamagitan ng RFA Youth League, na nakasentro sa 8v8 at age-appropriate football.
Sa paggamit ng 8v8 format sa mga regional competition, mas maraming kabataan ang nabibigyan ng pagkakataong makapaglaro, mahasa at maipakita ang kanilang talento—isang mahalagang hakbang sa layunin ng PFF na makabuo ng matatag na pipeline mula grassroots hanggang national team.
Itinuturing ng PFF, sa ilalim ni President John Anthony Gutierrez, ang small-sided at age-appropriate football bilang mahalagang pundasyon sa paghubog ng mga batang manlalaro.
Unang naging tampok ang 8v8 football sa 2026 Palarong Pambansa, kung saan ito unang isinama sa pinakamalaking school-based sports competition sa bansa.
Nasaksihan din ang pagpapalakas ng age-appropriate football sa matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa 2025 FIFA Futsal Women’s World Cup, na nagbigay sa mga Pinoy ng pagkakataong masaksihan ang world-class futsal sa sariling bansa.
Ngayon, sa pamamagitan ng RFA Youth League, inilalapit ng PFF ang ganitong programa sa mga komunidad, partikular sa mga lugar na limitado ang pasilidad at iba pang resources para sa football.
Makasaysayan naman ang unang torneo ng Cavite RFA (CAREFA) bilang ganap na miyembro ng PFF matapos itong tanggapin sa 23rd PFF Congress noong Mayo 2026.
Ayon kay CAREFA President Perry Camba, malaking karangalan para sa mga Caviteño ang maging bahagi ng pambansang programa ng PFF.
“Ang pagiging bahagi ng Cavite sa buong pambansang programa ng PFF ay malaking karangalan para sa mga Caviteño. Bahagi kami ng isang bagay na magbabago sa kabuuang mukha ng football sa Pilipinas,” ani Camba.
Samantala, sinabi ni REFACAMNOR Football Development Officer Mark Oco na mahalaga ang liga sa pagtuklas sa mga talentong hindi nabibigyan ng sapat na exposure.
“Maraming homegrown talents ang nananatiling hindi napapansin dahil sa kakulangan ng exposure at kompetisyon. Sa pagpapalakas sa mga RFA, mas nabibigyan sila ng pagkakataong matuklasan at mapaunlad,” ani Oco.
Para naman kay Central Bicol RFA FDO Russel Brondo, nagsisilbing tulay ang programa mula grassroots patungo sa national team.
“Malaki ang magiging epekto nito sa paghubog ng mga batang Pinoy talents mula grassroots tungo sa pagiging kinatawan ng bansa sa sport na ito,” ani Brondo.
Binigyang-diin din ni Brondo na mas maraming kabataan, lalo na mula sa malalayong lugar, ang mabibigyan ng pagkakataong makilahok at maipakita ang kanilang kakayahan.
Sa Bohol, sinabi ni RFA FDO Jade Tuyogon na mahalaga ang papel ng mga RFA dahil sila ang pinakamalapit sa mga club at komunidad.
“Karangalan at responsibilidad ang maging nangunguna sa grassroots football. Masaya kaming bahagi ng layunin ng PFF na mapaunlad ang mga batang footballer sa ating bansa,” ani Tuyogon.
Aniya, ang mga RFA ang nagpapatupad ng maraming programa sa lokal na antas, katuwang at ginagabayan ng PFF.
Patuloy namang isinusulong ni Gutierrez ang small-sided games bilang paraan upang gawing mas madali para sa mga bata at baguhan ang pagpasok sa football, habang nahuhubog ang kanilang technical skills para sa mas mataas na antas ng kompetisyon.
Sa pagtutok sa 8v8 football, layunin ng RFA Youth League na mas mapalawak ang access ng mga kabataan sa sport, anuman ang kanilang lugar at kakayahang pinansyal.
Sa pagbibigay ng mas malaking papel sa mga RFA, itinatayo ng PFF ang isang matibay na grassroots program na magsisilbing daan ng mga batang footballer mula komunidad patungo sa pambansang entablado. (PSC/HNT)
