ISANG panibagong makasaysayang kaganapan ang nakatakda sa Philippine sports ngayong Nobyembre sa pagsabak sa 20 sports ng mga kinatawan mula sa 14 na ahensiya ng pamahalaan sa ilalim ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa kauna-unahang PSC-AFP (PUSO) Philippine Uniformed Services As One, na inilunsad sa PSC House.
Kabilang sa mga dumalo sa mahalagang okasyon sina National Defense Assistant Secretary Katherine Lingan at AFP Civil-Military Operations deputy chief BGen. Victor Lapitan Jr., na kumatawan kay AFP chief Gen. Antonio Nafarrete, CDR. Jojit Siscar (PN) ng Philippine Navy; MGEN. Christopher C. Tampus (PA) ng Philippine Army; MGEN. Antonio Z. Francisco Jr. (PAF) ng Philippine Air Force; VADM. Allen Dalangin (PCG) ng Philippine Coast Guard; PBGEN. Gemma C. Vinluan (PNP) ng Philippine National Police; Atty. Joel Anthony M. Viado (BI) ng Bureau of Immigration; JCSUPT Paulino H. Moreno Jr. (BJMP) ng Bureau of Jail Management and Penology; FSSUPT Florian A. Guerrero (BFP) ng Bureau of Fire Protection; DIR. Emerson Rosales (PDEA) ng Philippine Drug Enforcement Agency; Atty. Romando S. Artes (MMDA) ng Metropolitan Manila Development Authority; GEN. Gregorio Pio P. Catapang Jr. ng Bureau of Corrections; at Atty. Melvin Matibag (NBI) ng National Bureau of Investigation,at mga PSC commissioners.
Sa pangunguna ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni Chairman John Patrick “Pato” Gregorio, layunin ng multi-sport event na pag-isahin ang mga uniformed services ng bansa sa pamamagitan ng palakasan, habang itinataguyod ang disiplina, sportsmanship, pagkakaisa at pagmamahal sa bayan.
Idaraos ang mga kompetisyon sa Rizal Memorial Sports Complex at PhilSports Arena sa Pasig City.
Hindi lamang medalya at tropeo ang pag-uukulan ng pansin sa PUSO. Tampok din dito ang pagkakaisa ng mga men and women in uniform, na magsasama-sama bilang isang koponan para sa iisang layunin—ang paglilingkod at pagmamahal sa bayan.
Para maisakatuparan ang programa, naglaan ang PSC ng P15 milyon. (HNT)
