Maaaring magpaputok ang Tsina ng flare patungo sa sasakyang panghimpapawid ng Pilipinas, pero hindi nito maaaring gamitin ang pananakot upang diktahan kung saan maaaring lehitimong kumilos ang Pilipinas.

Ang pagpapaputok ng mapanganib na flare na naglalabas ng matinding init at nagsisilbing malakas na ilaw sa himpapawid patungo sa Philippine Coast Guard (PCG) aircraft habang nagsasagawa ito ng Maritime Domain Awareness flight malapit sa Panganiban Reef, o Mischief Reef, ay isang walang-ingat na hakbang at malinaw na pagtatangka ng pananakot.
Para kay Chairman Emeritus Jose Antonio Goitia, malinaw ang dapat maging tugon ng Pilipinas:

“Naglalaho ang flare sa loob lamang ng ilang segundo. Hindi naglalaho ang ating mga karapatan. Dapat magpatuloy ang mga patrol ng Pilipinas. Hindi natin maaaring hayaang ang pananakot ang magdikta kung saan maaaring lehitimong kumilos ang mga Pilipino.”

Para sa mga mangingisdang Pilipino, hindi abstraktong usaping geopolitikal ang West Philippine Sea. Dito sila nagtatrabaho at kumikita para sa kanilang mga pamilya. Ganoon din ang mga tauhan ng PCG na gumaganap ng kanilang tungkulin sa karagatan. Hindi sila dapat itaboy ng pananakot.
“Ayaw natin ng digmaan, pero hindi rin tayo magpapabully na talikuran ang sa atin,” ani Goitia.

“SPY SHIP” SA LUZON SEA, NAGPAPALAKI NG PANGAMBA SA UNDERSEA WARFARE
Hindi lamang sa himpapawid nagaganap ang pagtaas ng presyur.

Noong Setyembre 5, 2026, namataan ang Chinese marine scientific research vessel na Haiyang Dizhi 12 Hao, humigit-kumulang 186.68 nautical miles kanluran-hilagang-kanluran ng Bolinao, Pangasinan, sa Luzon Sea. Nauna itong namataan noong Agosto 27, mga 60 nautical miles west by north ng El Nido, Palawan, at 21 nautical miles east by north lamang ng Malampaya natural gas field.

May kakayahan ang barko na magsagawa ng malawakang geological at geophysical surveys, kabilang ang pangangalap at pagsusuri ng datos mula sa seabed at ilalim ng dagat.

Batay sa pagtatasa, maaari itong magsilbing “spy ship” na nagmamapa sa Luzon Sea para sa posibleng paghahanda sa undersea warfare. Dahil dito, nararapat lamang na mahigpit na subaybayan ang mga galaw nito sa mga katubigang estratehiko para sa Pilipinas.

Sa 2016 arbitral ruling, kinilala ang Mischief Reef bilang isang low-tide elevation na hindi maaaring angkinin bilang teritoryo at nasa loob ng EEZ at continental shelf ng Pilipinas. Kinilala rin ng tribunal na nilabag ng pagtatayo ng China roon ang sovereign rights ng Pilipinas sa ilalim ng UNCLOS.
Hindi binabago ng pagtatayo ng istraktura ng Tsina ang legal na katotohanang ito. Ganoon din ang pananakot.
Hindi naghahanap ng komprontasyon ang Pilipinas. Ngunit hindi maaaring maging pagsuko ang kapayapaan, at hindi maaaring maging pag-atras ang pagpipigil.
“Mananatili tayong mapayapa, pero hindi tayo magpapasindak. Ang ating soberanya ay nangangailangan ng tapang, hindi pag-atras.”
Naglalaho ang mga mapanganib na flare. Magpapatuloy ang mga patrol. Maninindigan ang Pilipinas.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay nagtapos ng Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), at may mga advanced degree sa MNSA, MPA, at MBA.(( BONG SON ))
