Bagong pelikula ni Sarah Javier na “The Run Away Kids” ipalalabas sa Indonesia
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ANG bagong pelikula ni Sarah Javier ay pinamagatang “The Run Away Kids”. Ito ay isang advocacy film na mula sa pamamahala ni Direk Charlotte Dianco.
Kuwento sa amin ni Ms. Sarah, “Ang title ng short film na ito ay The Run Away Kids. Tampok dito si Rafael Rosell, kasama namin iyong mga bata.
“Isa po itong advocacy film at marami po silang mapupulot na aral rito, hindi lamang po ang mga kabataan kundi maging ang mga magulang ay kapupulutan ito ng aral.”
Ano ang kanyang role sa pelikula?
Tugon niya, “Ako po ay isang yaya rito…Yaya Tess po ang tawag sa akin. May alaga po ako na isang eight years old na batang lalaki, na ang pangalan po ay si Quincy.”
Nabanggit din niya kung ano ang tema ng kanilang pelikula.
“Isa po itong drama movie na may hatid na aral sa viewers. Ipalalabas din po (siya) sa Indonesia, kaya international movie po ito,” pahayag pa niya.
Mas sa acting ba ang focus niya ngayon at pahinga muna siya sa singing?
Esplika ng singer/actress, “Focus on both Tito… acting and singing. Iyan ay parehas na mga kaya po nating gawin. May niluluto po na bagong movies, hopefully po matuloy ito. Abangan po nila.”
Si Ms. Sarah ay dating member ng “That’s Entertainment” ni German “Kuya Germs” Moreno. Naibalita niyang next year ay magkakaroon ng reunion concert ang kanilang dabarkads.
Aniya, “Plus, abangan po nila ang nalalapit na reunion concert po ng That’s Entertainment, ito ay bandang early first quarter next year po magaganap.”