Mayor Tolentino nagpasalamat sa pagiging host ng 10th Aerobic Gymnastics Asian Championships

Tagaytay City Mayor Brent Tolentino 10th Aerobic Gymnastics Asian Championships

MAGKASAMA si Tagaytay City Mayor Brent Tolentino (kanan) at Olympian Aleah Finnegan sa ginaganap na 10th Aerobic Gymnastics Asian Championships sa Tagaytay City. (GAP photo)

TAGAYTAY CITY – Nagpasalamat ang pamahalaang lungsod ng Tagaytay sa pagkakapili bilang punong-abala ng 10th Aerobic Gymnastics Asian Championships na inihahandog ng Philippine Sports Commission (PSC), ayon kay Tagaytay City Mayor Brent Tolentino.

“Nagpapasalamat kami kina PSC Chairman Patrick Gregorio at Gymnastics Association of the Philippines (GAP) President Cynthia Carrion sa pagpili sa Tagaytay bilang host ng Asian meet dahil malaking tulong ito sa pagpapataas ng aming reputasyon bilang pangunahing destinasyon ng mga turista, lalo na ng mga dayuhan,” ani Tolentino.

“Patuloy naming isinusulong ang sports tourism dahil mayroon kaming world-class na mga pasilidad at iba pang kagamitang angkop sa malalaking pandaigdigang torneo,” dagdag pa ng alkalde, na anak ni Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino.

Binanggit niya ang UCI-certified Tagaytay CT Velodrome, na kasalukuyang pinagdarausan ng torneo na inorganisa ng GAP at kinikilala ng Asian Gymnastics Union, gayundin ang Tagaytay Combat Center, bilang ilan sa mga makabagong pasilidad na maipagmamalaki ng lungsod.

“Nais naming maipakita na handa ang mga pasilidad na ito para sa malalaki at prestihiyosong lokal at internasyonal na kompetisyon dahil malaking tulong ang mga ganitong torneo sa aming ekonomiya at sa kabuhayan ng mga negosyante,” ani Tolentino.

“Sa mga panahong matumal ang turismo sa Tagaytay, ang pagdaraos ng mga sports event tulad nito ay nagbibigay ng dagdag na oportunidad sa aming mga establisimyento at lokal na industriya kaya tunay na malaking biyaya ang Asian meet na ito,” dagdag niya tungkol sa torneo na suportado rin ng POC at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Ayon naman kay Isa Braga ng Tagaytay Tourism and Cultural Development Office, turismo ang pangunahing pinagmumulan ng kita ng lungsod na tanaw ang Taal Lake.

“Mayroon kaming humigit-kumulang 300 restoran, café at iba pang establisimyento na nagsisilbi sa mga lokal at dayuhang turista. Sa tuwing may mga bisita rito, lalo pang sumisigla ang turismo at nadaragdagan ang oportunidad sa kabuhayan habang lalo ring nakikilala ang Tagaytay bilang pangunahing destinasyon ng mga turista,” ani Braga.

Ipinaliwanag naman ni PSC Chairman Patrick Gregorio na isa itong pangunahing dahilan kung bakit hindi na nagdalawang-isip ang PSC na piliin ang Tagaytay bilang host ng 10th Aerobic Gymnastics Asian Championships.

“Sino ba naman ang hindi gustong pumunta sa Tagaytay? Bukod sa madaling marating mula sa Metro Manila, isa itong paboritong pasyalan kung saan maaaring magpahinga, maglibang at masilayan ang napakagandang tanawin,” ani Gregorio.

“Nabibigyan din nito ng pagkakataon ang ating mga dayuhang bisita na maranasan ang kakaibang kapaligiran sa labas ng malaking siyudad, habang nakatutulong din ito sa mga nasa industriya ng turismo sa Tagaytay.”

“Panalo ang lahat sa ganitong sitwasyon,” dagdag niya.

Nagsimula na noong Miyerkules ang mga preliminary round sa men’s at women’s individual, mixed pair, trio, group, aerobic dance at aerobic steps sa senior (18 taong gulang pataas), junior (15-17 taong gulang) at youth (12-14 taong gulang) divisions.

Inaasahang idaraos ngayong Huwebes ang ilan sa mga final events sa umaga at hapon. (PSC/HNT)