Blu Girls target unang Asian Games podium
TINALAKAY ni Philippine Blue Girls team captain Charlotte Sales (kaliwa) ang kanilang paghahanda sa darating na 20th Asian Games na gaganapin sa Nagoya, Japan sa kanilang pagdalo sa Philippine Sportswriters Association Forum sa media room ng Philippine Sports Commission nitong Martes. Kasama niya sa forum sina co-captain Royevel Palma at assistant coach Rizza Bernardino. (HENRY TALAN VARGAS)
UMAASA ang Philippine Blu Girls na tuluyan nang mapatid ang sunod-sunod na kabiguan at makamit ang kauna-unahang medalya sa darating na 20th Asian Games na gaganapin sa Nagoya, Japan mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
May bagong sigla at determinasyon ang pambansang koponan matapos tatlong beses na mabigo sa laban para sa bronze medal, kahit nakapasok na sila sa semifinals ng torneo.
“Sa Asian Games na ito, ipinapangako namin sa aming mga sarili na ang mga luha namin ay magiging luha ng saya na sa pagkakataong ito,” ani team captain Charlotte Sales sa Philippine Sportswriters Association Forum sa media room ng Philippine Sports Commission nitong Martes. Kasama niya sa forum sina co-captain Royevel Palma at assistant coach Rizza Bernardino.
Inamin ni Sales na sariwa pa rin ang sakit ng 3-2 pagkatalo nila sa Chinese Taipei sa laban para sa bronze medal noong 2023 Hangzhou Asian Games.
“Hanggang ngayon, heartbroken pa rin kaming lahat dahil natalo kami sa bronze medal match,” dagdag ni Sales.
Sa kabila nito, determinado ang Blu Girls na binubuo ng 12 lokal na manlalaro at limang Fil-Am na wakasan ang kanilang malas sa Asiad.
“Hindi kami nawawalan ng pag-asa. Patuloy kaming nagsisikap para makamit talaga ang podium finish,” sabi naman ni Palma, na naging bahagi rin ng koponang nabigo noong 2018 Jakarta at 2023 Hangzhou.
Inihayag naman ni Bernardino na sasailalim muli ang Blu Girls sa training camp sa Japan bago sumabak sa Asiad, kasunod ng matagumpay nilang paghahanda bago ang WBSC Women’s Softball World Cup sa Lima, Peru, kung saan nagtapos sila sa ikalimang puwesto.
“Malaki ang naitulong ng training camp dahil maraming nag-improve sa amin. Marami kaming natutunan sa Japan team at hindi sila nag-atubiling ibahagi ang kanilang kaalaman at skills na makakatulong sa amin,” ani Bernardino.
Kasalukuyang nagsasanay ang Blu Girls sa Manila Polo Club at nakatakdang lumipad patungong Japan sa Agosto 21 para sa kanilang training camp bago dumiretso sa Nagoya, kung saan magsisimula ang softball competition sa Setyembre 26.
Paboritong manalo muli ang host na Japan, na target ang ikapitong sunod na gintong medalya matapos simulan ang dominasyon noong 2002 Busan Asian Games.
Mananatili ang dating format ng torneo kung saan maglalaban sa single round-robin ang walong bansa at ang nangungunang apat na koponan ang uusad sa semifinals.
Makakaharap ng Pilipinas ang Japan, Chinese Taipei, China, South Korea, Hong Kong, Singapore, at Thailand sa laban para sa prestihiyosong medalya. (PSA/HNT)