Cambodia Alas Pilipinas SEA V Cup

Cambodia, ginulat ang Alas Pilipinas sa SEA V Cup

CITY OF CANDON — Yumuko sa kamay ng Cambodia ang Alas Pilipinas Men matapos ang nakakagulat na 25-23, 28-30, 25-20, 22-25, 15-8 na kabiguan sa pagbubukas ng SEA V Cup nitong Miyerkules sa Candon City Arena.

Pinangunahan ni Veasna Voeum ang Cambodia sa itinalang 33 puntos mula sa 28 attacks, tatlong blocks at dalawang aces, habang nagdagdag si Kuon Mom ng 11 puntos upang ihatid ang isa sa pinakamalaking panalo ng kanilang koponan.

Malaking dagok ito para sa Alas Pilipinas na kasalukuyang ika-90 sa FIVB world rankings, matapos mabigo laban sa Cambodia na nasa ika-117 puwesto at walang naitalang panalo sa nakaraang SEA V. League na ginanap din sa Candon.

Dahil sa kabiguan, mas mabigat na hamon ang naghihintay sa Pilipinas sa pagsagupa nito sa kampeon ng Asian Volleyball Confederation (AVC) Men’s Cup na Indonesia sa Biyernes.

Hindi naman nagpahuli sa produksiyon ang mga bagong salta ng Alas Pilipinas. Kumamada si Joshua Magalaman ng 21 puntos mula sa 15 attacks, apat na blocks at dalawang aces, habang nag-ambag si Jude Garcia ng 20 puntos mula sa 18 attacks, isang block at isang ace.

Nagbigay rin ng 17 puntos si Louie Ramirez, isa sa iilang beteranong natira sa pambansang koponan na naglaro sa FIVB Volleyball Men’s World Championship noong nakaraang taon.

Samantala, kinailangan pang paghirapan ng Thailand bago mapatumba ang Vietnam, 33-31, 18-25, 25-19, 25-16, sa unang laro ng torneo.

Pinangunahan ni Chaiwat Thungkham ang Thailand sa 21 puntos, habang nagdagdag si Bhinijdee Nadapet ng 19 puntos at si team captain Amornthep Khonhan ay may 14 puntos.

Ayon kay Khonhan, nanatili lamang silang kalmado at nakatuon sa bawat puntos hanggang makuha ang panalo.

Hangad ng Thailand na maipagtanggol ang titulo nito sa unang yugto ng SEA V. League at makabawi sa FIVB world rankings matapos bumaba sa ika-66 na puwesto kasunod ng kanilang kampanya sa AVC Men’s Cup.

Samantala, target naman ng Indonesia na patatagin ang hawak nitong ika-44 na puwesto sa FIVB rankings sa pagsabak nito sa SEA V Cup. (POC/HNT)