
HATAW News Team
WALANG nagawa ang botong 25 tutol sa pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte laban sa
257 pabor, at 9 botong umiwas, para tuluyang ma-impeached ng Kamara, kahapon.
Inaprobahan ng Kamara ang report ng Committee on Justice na naglilipat ng Articles of Impeachment sa Senado para sa paglilitis.
Higit ang 257 boto sa kinakailangang 106 boto o 1/3 na bahagi ng Kamara para umusad ang impeachment sa Senado.
Lampas ito sa orihinal na 240 mambabatas na sumuporta sa unang impeachment bid laban kay Duterte noong 19th Congress.
Inilahad sa plenary session ni House Committee on Justice Chairperson Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas ang pambungad na pahayag at iniharap ang mga artikulo ng impeachment laban sa bise presidente.
Inaprobahan ang Articles of Impeachment ng House Committee on Justice na naglalaman ng apat na pangunahing sakdal laban sa bise presidente: ang maling paggamit ng higit P600-M confidential funds, kabilang ang P125 milyon na naubos sa loob lamang ng isang araw; hindi maipaliwanag na yaman na lumobo mula P7-M hanggang P88-M, P6.7 bilyong deposito sa banko na nasilip ng Anti Money Laundering Council (AMLC); suhulan sa DepEd sa anyo ng mga sobre na may P50,000 bawat isa at pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ani Luistro, hindi lamang ito usapin ng bilang ng boto kundi kung naitaguyod ba ang Konstitusyon, nasunod ba ang wastong proseso, may sapat bang ebidensiya, at nanaig ba ang katotohanan.
Kapag may mabibigat aniya na pagdududa tungkol sa paggamit ng pera ng bayan, tungkol sa katapatan ng statement of assets, liabilities, and net worth (SALN), tungkol sa asal at pananalita ng isang pinuno — “hindi maaaring manahimik ang House of Representatives,” diin ni Luistro.
Sa pagbubukas ng deliberasyon, unang kinuwestiyon nina Sagip Party-list Rep. Paolo Henry Marcoleta, BH Party-list Rep. Robert Nazal, Davao Rep. Isidro Ungab, at Batangas Rep. Leandro Leviste ang pagiging regular ng proseso ng impeachment.
Pagkatapos ng mahabang interpellation mula sa mga mambabatas na tumututol sa impeachment, naghain si Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor ng Iloilo ng mosyon upang ituloy ang nominal voting, na pinahintulutan ang mga miyembro na ipaliwanag ang kanilang boto matapos ilabas ang resulta.
Kahit nagbabala ang ilang miyembro ng PDP-Laban, partido ng bise presidente, at may pahayag mula sa ilang grupong panrelihiyon na maaaring mawalan ng suporta sa halalan sa 2028 ang mga mambabatas na boboto pabor sa impeachment, ipinakita ng naging resulta ang matibay na paninindigan ng Kamara para sa pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com