SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
KILALA ang Lungsod ng Lipa bilang “Little Rome of the Philippines” dahil sa maraming simbahan at relihiyosong mga site. Sikat din ito sa makasaysayang industriya ng kape, malamig na klima, at mga masasarap na pagkain tulad ng lomi at goto.
At para lalo pang mapagyabong at mas maipakilala pa ang lungsod ng Lipa, nagkaroon ng Immersion Tour ang Mister and Miss Lipa Tourism 2025 noong May 1, Biyernes na pinangunahan nina Businessman/President ng Lipa Tourism Council Joel Umali Pena, at OIC Tourism Officer Ms. Aylene G. Acorda.
Muling tinuklas ng mga kandidato ang yaman ng Lipa City-mula sa San Sebastian Cathedral hanggang sa Pallazo Antonio.
Ikawalo pa lamang ng umaga ay nagtipon-tipon na ang Mister & Miss Lipa Tourism 2025 sa San Sebastian Cathedral para magdasal kay San Sebastian Relic na binigyan ng bagong bihis.
Pagkaraan ay nagtungo ang grupo sa Lipa City Public Market para kumain sa carinderia ni Aling Letty Eatery & Refreshment. Doo’y nadatnan naming maraming Lipeno ang kumakain na hindi nakapagtataka dahil naamo’y na agad namin ang bango ng mga pagkaing maaaring maorder sa carinderia bukod sa hitsura pa lamang ay mukhang katakam-takam na.
Hindi nakaligtas sa amin ang Gotong Batangas na talaga namang nakahahalina ang amoy at sa hitsura kita ang lambot ng karne gayundin ang ginataang tulingan at marami pang pang-ulam na pwedeng ma-order. Subalit halo-halo, pancake (na may asukal at gatas), at itlog lamang ang aming kinain sa carinderia ni Aling Letty na isa sa matagal nang kainan sa palengke.
Sumunod na pinuntahan ng grupo ay ang tindahan ng Kapeng Barako. Isang paraiso sa tulad naming mahilig sa kape ang lugar na iyon na talaga namang mahahalina sa bango o amoy ng kape.
Ang Cris & Ana Wholesale Kapeng Barako ang sinadya ng grupo na nagtitinda ng giling o hindi pa giling na beans ng Robusta, Excelsa, Arabica, at Liberica.
Pagkaraan ay sa Receno Liam’s naman kami nagtungo. Ito ang lugar na bilihan ng mga pasalubong na pag-aari ng magkakapatid at magpipinsan, ang Receno family.
Ayon kay Ms. Aylene, one stop shop ang Receno Liam’s na bukod sa Pasalubong center na nag-o-offer ng delicacies mula sa iba’t ibang bansa lalo ang mga specialty mula Batangas, Doon din matatagpuan ang Agatha Cakes & Pastries, Longganisa sa Lipa, Liam’s Lomi, Fried Siopao, Loghouse Cafe, Bake Box (car wash) Cups Ahoy atbp.
Ilan sa mga artistang nakakain na sa Liam’s Lomi sina Tirso Cruz III, Drew Arellano, Matteo Evans, at Arnold Clavio.
At habang nagpapahinga at pinagmamasdan ang napakarami at iba’t ibang negosyo na magkakatabi lamang, isang bus ang dumating sakay ang napakaraming empleado ng isang banko sa Maynila na dumaan sa nasabing lugar bago kumain at mamili bago magtungo sa resort na kanilang pupuntahan para sa kanilang company outing.
Binigyang giit naman ni Joel na bagamat marami na ang namamasyal/nagtutungo sa bayan ng Lipa, nais pa rin nilang lalong pagyabungin o paramihin pa ang mga namamasyal sa kanilang lugar.
“Marami pa kasing maio-offer ang Lipa. Na kahit anong panahon masarap mamasyal sa aming probinsiya na kahit summer hindi ganoon kainit ang temperatura. Marami ring naggagandahang lugar at masasarap na kainan, cafes dito sa Lipa.
“Kaya iyong aming Tourism Slogan na #EatPrayLoveLipa, akmang-akma talaga,” wika pa ni Joel.
Pagkaraan ay sa Solano Hotel naman nagtungo ang grupo na pag-aari ni Mr. Charles Solano. Itinatag noong 2018 sa Lipa City, Batangas, binuo niya ang hotel bilang isang luxury boutique venue, na may maraming kasangkapang idinisenyo ni Sylpauljoyce. Ang brand ay nagpapatakbo ng maraming property sa Batangas, kabilang ang pangunahing Solano Hotel at ang Solano Hotel & Resort (Casa Ysabel).
Ang Solano Hotels ay isa sa flagship hotel sa Lipa na may 40 suite, kasama ang expansion property, ang Solano Residences at Solano Hotel & Resort, na nag-aalok ng Filipino-Spanish themed accommodation.
Sa Palazzo Antonio naman kami nananghalian. Napakaganda ng hotel resort at convention na ito na perpektong lugar ng kasalan. Napakagandang mag-exchange vows sa luntiang hardin na napapalibutan ng SouthEast Asian-inspired decor. Mayroon din itong naglalakihang swimming pool na perfect pampamilya at barkada outings gayundin ang uniquely designed cabanas na tamang-tama sa weekend getaway. Pag-aari ito ng mag-asawang Tess Lumbera-Faltado at Tony Faltado.
Marami pa sanang pupuntahan ang grupo tulad ng St Benedict, Museo ng Katipunan, Taal Lake Tagbakin B&B Resort, at Sucree Bakery Parkway Square subalit kinapos na ng oras.
Ang Immersion ng Mister at Ms Lipa Tourism 2025 ay nagsilbi ring farewell treat ni Joel dahil sa May 11, 2026 ay ipakikilala naman ang mga bagong Mister & Miss Lipa Tourism 2026.
Ang naganap na Immersion Tour ay higit pa sa mga pagkain, ang mga ito ay lasa ng tahanan at pamana. Halina at kumain, mamasyal, magdasal sa Lipa, na ang bawat ulam ay pagdiriwang ng kultura at pagmamalaki.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com