NAKAMIT ng National University Nazareth School-B (NUNS-B) ang kampeonato sa Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup Division 2 matapos nitong talunin ang University of Batangas High School, 33-31, 25-17, 25-23, sa pinal na laban na ginanap sa La Salle Green Hills Gym sa Mandaluyong City noong Biyernes.
Nakapagtala si Keera Talabut ng 14 puntos mula sa 13 matagumpay na atake at isang ace upang pamunuan ang Lady Bullpups sa walang talong kampanya na may markang 8-0.
“Nanatili kaming kalmado at mahinahon sapagkat iyon ang aming pangunahing layunin. Inalis namin ang presyur at mga ingay mula sa labas. Pinagsikapan naming makuha ang unang set, kaya’t nanaig kami sa mga sumunod na yugto,” pahayag ni Talabut.
Nag-ambag sina Ellaine Tayag at Jheiza Giducos ng tig-12 puntos.
“Aminado akong naging hamon ito sapagkat napakaraming manlalaro. Lubos akong nagpapasalamat kay coach Karl (Dimaculangan) sa pagbibigay niya sa amin ng mga gabay kung paano bumuo ng isang programa,” ayon kay NUNS-B coach Kenan Quitco.
“Napakasipag ng mga manlalaro. Ipinagmamalaki namin na kanilang pinagbubuti ang kanilang mga kakayahan at buong pusong tinatanggap ang sistemang aming ipinatutupad,” dagdag pa niya.
Pinangunahan ni Larra Recinto ang Junior Lady Brahmans sa kanyang 11 puntos, sinundan ni Bea Butardo na may siyam na puntos, habang sina Andrea Gabrinao at Scarlett Escalante ay nakapagtala ng tig-anim na puntos.
Nanaig ang Bacolod Tay Tung laban sa Corpus Christi School, 25-15, 25-21, 18-25, 25-20, upang masungkit ang ikatlong puwesto. (SGVIL/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com