Saturday , February 8 2025
Firing Line Robert Roque

Peace o power?

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

ANO pa man ang itawag, ang “peace rally” na isinagawa ng Iglesia ni Cristo (INC) kahapon ay malayo sa paglalarawan nila rito bilang tagapagsulong ng kapayapaang pampolitika.

Linawin lang natin na hindi ito panghuhusga sa mga miyembro ng INC na bunsod ng kabutihang loob ay nagtipon-tipon at nanawagan para sa kapayapaang pampolitika at sa buong bansa.

Pero hindi maitatanggi, maging ng pamunuan ng INC, na ang konteksto ng panawagan nito para sa kapayapaan at pagkakaisa, maging ang timing, ay nagkakanulo sa tunay na dahilan at epekto ng ganoong panawagan: harangan ang mga pagtatangka sa Kongreso na patalsikin sa puwesto si Vice President Sara Duterte dahil sa alegasyon ng korupsiyon, at iba pa.

         Ang Quirino Grandstand ay nagmistulang teatrong pampolitika kahapon, na mga politiko ang pangunahing mga manonood. Bagamat kapayapaan ang ipinagbabandohang tema ng rally, ang mensahe ay hindi kasing linaw ng bloc-voting power nito at ang hindi mapapasubaliang reputasyon nito bilang isang armas na politikal.

Mismong si Senator Sherwin Gatchalian ay binanggit ang realidad na pampolitikang nakapaloob sa pagtitipon, binigyang-diin na ang ginagawang bloc voting ng INC ay magbubunsod upang “magdalawang-isip” ang mga politiko at opisyal ng gobyerno sa pagsuporta sa pag-i-impeach sa Bise Presidente.

Ano na nga ba ang bilang ng INC ngayon: 2.8 milyon? Walang duda ang impluwensiyang ito tuwing panahon ng eleksiyon, partikular sa mga gitgitang labanan na ang endoso ng sekta ay napatunayan nang mayroong malaking epekto.

         Ikonsidera ang logistics ng rally nila at tasahin ang katapat na impluwensiyang nagagawa ng kanilang grupo. Nagpakalat ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 1,300 tauhan, at nagpatupad ng no-day-off policy, nagpapakita kung paanong pinakikilos ang resources ng gobyerno upang mapagbigyan ang sekta sa pagpapamalas ng kanilang lakas sa aspektong politikal.

Ang mga curious na outsiders — tulad ng dayuhang kaibigan ko — kinukuwestiyon ang kakayahan ng INC na makakuha ng ganoon kabigay-todong suporta mula sa gobyerno, nagpapalutang sa mga katanungan tungkol sa tinatawag na separation of church and state.

         Hindi ito ang unang beses na ginamit ng INC ang mga tagasunod nito upang protektahan ang ilang problemadong opisyal, ‘di ba? Noong 2012, nagdaos ito ng kaparehong rally sa kasagsagan ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona. Nang mga panahong iyon, tulad ngayon, ang pinalutang ay ang pagsusulong ng “kapayapaan” pero kalakip ng mensahe ang parehong political pressure. Mas armas yata ang datingan nito sa akin kaysa puting bandila.

Gaya ng nasabi ng kaibigan kong dayuhan: Dapat na nag-iisip-isip din ang mga Filipino sa mga implikasyon ng ganoong mga pagtitipon at huwag magbulag-bulagan sa power play ng mga religious leaders na malayang naiimpluwensiyahan ang lakas ng bilang ng kanilang mga miyembro.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga espiya ng China, buking na!

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. HINDI na bago sa atin ang hindi magagandang ginagawa …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Healthy Quezon City, isinulong ni Mayor Joy B.

AKSYON AGADni Almar Danguilan HEALTHY Quezon City? Yes, in tagalog ay malusog na lungsod. Iyan …

Sipat Mat Vicencio

Todong suporta ni Nelson Ty kay Isko Moreno

SIPATni Mat Vicencio TAONGBAYAN ang maghahalal sa bawat kandidatong tumatakbo ngayong darating na eleksiyon na …

Dragon Lady Amor Virata

Vic Rodriguez ‘barado’ kay BBM

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata BINARA ni Pangulong  Bongbong Marcos ang hamon ng kanyang …

Firing Line Robert Roque

Gawaing Binay

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAMING taon ang nakalipas nang makahuntahan ko sa Embassy …