FDCP, itatampok ang 145 na pelikula sa PPP 4 mula Oct. 31 to Nov. 15
‘Sama all’ ang bagong tag-line nito at hindi bababa sa 145 na pelikula-67 full-length films at 78 na short films ang ipalalabas dito na magkakaroon ng kauna-unahang online edisyon ngayong taon
Tampok dito ang Ang Lakaran ni Kabunyan: Kabunyan’s Journey to Liwanag ni National Artist for Film Kidlat Tahimik. Kasama rin ang dalawang classic ‘80s films: Batch ‘81 ni Mike de Leon, na executive producer ang yumaong si Marichu Vera-Perez Maceda at bidang aktor naman ang namayapang si Mark Gil, at ang restored version ng Brutal ng yumaong si Marilou Diaz-Abaya mula sa Philippine Film Archive ng FDCP. Sina Amy Austria, Charo Santos-Concio, at Gina Alajar ang mga artista sa Brutal kasama ang mga namayapang sina Johnny Delgado at Jay Ilagan.
Ang The Helper ni Joanna Bowers ay documentary tungkol sa Filipino at Indonesian domestic workers sa Hong Kong habang ang Itoshi No Irene (Come On, Irene) ni Keisuke Yoshida ay live action manga series adaptation na pinagbidahan nina Ken Yasuda at Nats Sitoy. Nagkaroon ito ng international premiere sa 2018 Busan International Film Festival.
Kasama rin ang Cleaners ni Glenn Barit na Best Film sa Asian New Wave Competition ng 2019 QCinema International Film Festival at ang Blood Hunters: Rise of the Hybrids ni Vincent Soberano. Ang Best Action Film at Best Martial Arts Film sa 2019 Urban Action Showcase International Action Film Festival ay pinagbidahan nina Soberano, Sarah Chang, Roxanne Barcelo, at Monsour del Rosario.
Tatlong entries sa 2020 Sinag Maynila Film Festival ang kasama sa Premium Selection: He Who Is Without Sin ni Direk Jason Paul Laxamana na pinagbidahan nina Elijah Canlas at Enzo Pineda, Kintsugi ni Direk Lawrence Fajardo na pinagbidahan nina JC Santos at Hiro Nishiuchi, at The Highest Peak ni Direk Arbi Barbarona na pinagbidahan nina Dax Alejandro at Mara Lopez.
Ang isa pang espesyal na PPP4 section ay magsisilbing premiere ng final 12 short films ng CineMarya Women’s Film Festival.
Sa PPP Short Films mapapanood ang 66 na libreng pelikula mula sa Sine Kabataan Short Film Competition ng FDCP at 21 na regional film festivals.
Ang proceeds mula sa sales ng PPP Festival Passes ay mapupunta sa lahat ng producer na kasama sa PPP 4.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
