Friday , June 5 2026
Sipat Mat Vicencio

Galit sa ‘unli-rice’ si Sen. Cynthia Villar

KAILANGAN talagang maging maingat at maging mapanuri ang mga botante kung sino ang ka­nilang ihahalal lalo sa posisyon ng pagka­senador sa darating na eleksiyon sa 13 Mayo 2019.

Ang mga kandidato ay kailangang mabuting kilatisin, hindi lamang sa kanilang magiging performance bilang mga mambabatas kundi pati na rin ang kanilang pagkatao kung tunay bang masasabing sila ay makamahirap o nasa panig ng simpleng tao.

Alam nating kapag dumarating ang mga pambansang halalan, ang taongbayan ang siyang may higit na kapangyarihan na makapag­halal kung sino ang politiko na nagnanais makapuwesto sa gobyerno.

Kaya nga, sana ay hindi makalimot ang taongbayan sa minsang naging posisyon ni Sen. Cynthia Villar na hindi siya pabor sa ‘unlimited rice’ o ‘unli-rice’ na iniaalok ng mga kainan, fastfood o restaurant sa kanilang mga customer.

Katuwiran nitong si Villar, dapat daw ay itigil na ang ‘unli-rice’ dahil nakasasama ito sa kalusagan at makabubuting  i-ban na lamang sa mga restaurant pati na rin sa mga fastfood.

Ang hindi alam ni Villar, ang ‘unli-rice’ ay isang malaking pagkakaton para sa mahihirap na makakain nang marami at tuluyang mabusog ang kumakalam na tiyan kahit na kakunti ang kanilang ulam. Parang isang uri ito ng paghihiganti na makakain nang marami dahil sa napakamahal na presyo ng ulam.

At kahit ubos na ang kanilang ulam, tuloy pa rin ang kanilang order ng ‘unli-rice’ dahil babawi naman sila sa sabaw, patis at toyo na kanilang gagawing pambudbod para sumarap ang kanilang nag-uumapaw na kanin sa pinggan.

Hindi rin tama ang katuwiran ni Villar na ang ‘unli-rice’ ay makasasama sa kalusagan dahil para sa mahihirap, kahit na mabundat sila o su­ma­­bog man ang kanilang mga tiyan, isang tagum­pay ito para maibsan ang kanilang kagu­tuman.

Ang mahirap kasi sa bilyonaryong tulad ni Villar, mayroon siyang sinusunod na diet. May sarili pa siyang dietician na nagpaplano ng kanyang kakainin at nagbabantay ng kanyang diet.

Medyo konting tikim ng lamb, beef, turkey at lobster. Hindi tayo magugulat kung ang gulay na kinakain ni Villar ay mamahaling pink lettuce, Yamashita spinach at bonnotte potatoes.

At siyempre pa, ang ‘Almas’ caviar. Ang pinakamahal na caviar sa buong mundo na nagkakahalaga ng $34,500 bawat kilo. Kung susumahin, aabot ito ng P1,725,000.

Nakalulula!

Pero dahil na rin sa mga batikos ng mama­mayan, binawi ni Villar ang kanyang naunang posisyon na ayaw niyang isilbi ang ‘unli-rice’ sa mga fastfood at restaurant.

Umatras ang bilyonaryang senador.

Ang nakababahala lang, paano kung isang araw ay maisipan naman ni Villar na ipagbawal ang libreng sabaw sa mga restaurant at fastfood?

Naloko na! Baka magrebolusyon ang taong­bayan.

Isa pa ngang sabaw d’yan!

SIPAT
ni Mat Vicencio

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Mat Vicencio

Check Also

Firing Line Robert Roque

No-el at alitan ng magkapatid

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. GAMIT ang kanyang posisyon sa Senado, tila humawak ng …

Sipat Mat Vicencio

Pakiusap, magbitiw ka na Alan Peter Cayetano!

SIPATni Mat Vicencio HIGIT na makabubuti kung kusang magbibitiw na lamang si Senator Alan Peter …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Political seige sa Senado, ‘di umubra kay SP Cayetano

AKSYON AGADni Almar Danguilan SIMULA nang mapalitan ang liderato ng Senado matapos mapatalsik sa trono …

Editorial

Sa kabila ng upak at kritisismo
Senate leadership hinarap agad impeachment at flood control probe

HINDI biro ang sitwasyong kinaharap ng buong bansa nitong mga nagdaang linggo. Tila kinubkob ng …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Sa DA rice analyzer, modus ng rice traders matutuldukan na

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAKASISIGURO ka bang magandang kalidad ang nabili mong bigas – iyong …