MAY ‘hangover’ pa ang sambayanang Filipino sa naganap na trahedya sa casino sa Resorts World Manila (RWM) nitong Biyernes ng gabi.
At hanggang ngayon nagkukumahog pa ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kung paano iaabsuwelto o ididiin ang management at ang may-ari ng Resorts World dahil sa pagkamatay ng 37 katao sa kagagawan ng isang adik sa casino, na paglaon ay nagpakamatay din umano.
Pero ang hindi nakikita ng mga ahensiya ng pamahalaan na sangkot sa pampublikong transportasyon ang nagbabantang malaking trahedya kapag naaksidente o nadisgrasya ang isang kolorum na bus na nagyayaot mula Catbalogan, Samar patungong Maynila!
Ang kolorum BILLY BOY bus na kilalang-kilala sa tagal na bumibiyahe na punong-puno at baka overloaded pa dahil mas mababa ang pasahe nila kompara sa mga bus na mayroong prangkisa at nagbabayad ng buwis sa pamahalaan.
Iniisip pa lang natin ay kinikilabutan na tayo.
Sonabagan!!!
Ano ang mangyayari sa mga pasahero ng Billy Boy bus kung kolorum sila?!
Ano ang habol ng mga pasahero sa nasabing kompanya kapag naaksidente ang bus?!
Nganga na lang sila?!
![INIREREKLAMO ng mga pasahero ang Billy Boy bus na bumibiyahe patungong Catbalogan, Samar dahil sa kakulangan nito ng mga kaukulang palatandaan gaya ng body number at iba pang itinatakda ng LTFRB. Nagtataka ang mga pasahero kung bakit nakabibiyahe ang isang bus na tila kolorum gaya ng makikita sa larawan.](https://hatawtabloid.com/wp-content/uploads/2017/06/060717-Billy-Boy-Bus.jpg)