Laman ng hinukay na pozo negro sa Pasay City hall itinambak sa press office

Hindi natin alam kung may galit ba ang hepe ng city engineer’s office sa mga katoto natin diyan sa Reporters’ Organization of Pasay City (ROPC).

Aba, mantakin ninyong nang hukayin at linisin ang pozo negro (septic tank), inilagay lang sa mga plastic bag ‘yung human waste (as in ebak) na may halo nang burak at maruming tubig, saka itinambak doon sa tabi mismo ng press office.

Yaaks!!!

Huwag na po natin ilarawan kung gaano kabantot at grabeng nakasusulasok sa sikmura ang amoy niyan, pero palagay natin kahit sino, hindi kayang sikmurain ‘yan.

In short, inireklamo na po ang mga katoto natin sa city hall ang nasabing plastic-plastic na dumi ng tao, pero ang sagot sa kanila, patutuyuin pa raw bago hakutin ng truck.

Sonabagan!!!

Ipinaabot din nila sa Public Information Office (PIO) at ipinaabot sa Engineering. Pero ang sagot ng Engineering gumawa raw sila ng sulat para may katunayan na nagrereklamo sila.

Wattafak!?

Mag-opisina kaya kayo riyan sa press office para malaman ninyo kung gaano kamiserable ‘yang nararanasan ng ROPC.

O hinihintay pa ninyong umabot ang baho niyan sa Mayor’s office!?

Mayor Tony Calixto, Sir, mukhang salto ang mga bata ninyo sa engineering pati ‘yang PIO ninyo!

Sa inyo na po kami makikisuyo para mahakot ‘yang plastic-plastic na human waste galing diyan sa city hall na itinambak sa press office.

Puwede po ba, Mayor Calixto?!

[divider]

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

[divider]

BULABUGIN
ni Jerry Yap