This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
PINAULANAN ng bala ang bahay at sasakyan ng isang tabloid reporter ng isa sa dalawang suspek na sakay ng motorsiklo sa Makati City kahapon ng hapon.
Hindi nasaktan ang biktimang si Gaynor Bonilla, 43, reporter ng Police/X-Files, maging ang kanyang pamilya bagama’t nasira ang nakaparadang Honda CRV (XFE-721) at Toyota Vios (XRV-664) dahil sa mga tama ng bala.
Nahuli ang suspek na kinilalang si alyas Obet, driver ng motorsiklo, sa follow-up operation ng Makati City Police, habang pinaghahanap ang kasama niyang suspek na si alyas Totoy Glean.
Base sa ulat na nakarating kay Makati Police chief, Senior Supt. Ernesto Barlam, dakong 1:54 p.m. nang paulanan ng bala ng riding in tandem ang harap ng bahay ni Bonilla sa 1936 Orense St., Brgy. Guadalupe Nuevo.
Sa imbestigasyon, noong Mayo 25, pinagtripang barilin ng suspek na si alyas Totoy Glean ang helper ni Bonilla na si Enriquito Solatorio,19, na tinamaan ng bala sa paa.
Kahapon nang hapon, muling sumalakay si Totoy Glean kasama si Obet, sakay ng motorsiklo, sa bahay ni Bonilla nang maispatan si Solatorio.
Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang dalawa ngunit nasakote si Obet sa follow-up operation ng mga awtoridad.