This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
BINITBIT ng tinatayang 50 katao ang isang hinihinalang illegal recruiter sa Barbosa Police Community Precint sa Maynila makaraan mabigong maibigay ang kanilang mga ticket at visa papuntang Dubai kahapon ng madaling araw.
Dinala sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang suspek na si Mayna Anip Sharip, 41, ng Maguindanao, habang pinaghahanap ang isa pang suspek na si Wanie Ahmad Alcala, isang tomboy, at sinasabing manager sa isang kompanya sa Dubai.
Ayon sa isa sa mga biktima na si Wahid Mohammad Angniei, 30, ng Marawi City, nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 40 nilang kasamahan nang matuklasan na wala silang tiket at visa papunta sa Dubai.
Nagtataka rin aniya sila kung bakit ang ticket na ibinigay sa kanila ay xerox copy at pare-pareho ng seat number.
Nang kanilang alamin sa Immigration sa NAIA kung may 12 a.m. flight papuntang Malaysia, natuklasan nila na may mga mga pasahero nang umookupa sa kanilang seat number.
Napag-alaman, P10,000 hanggang P25,000 ang placement fee na ibinayad ng mga biktima upang makapagtrabaho bilang saleslady, waiter at waitress sa Dubai.