This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
IPINAGMALAKI ni Pangulong Benigno Aquino III, taas noo niyang lilisanin ang Palasyo dahil tinupad niya ang kanyang mandato bilang presidente ng bansa sa nakalipas na anim na taon.
“Ang masasabi ko po, sa darating na ika-30 ng Hunyo, pagpalo ng alas-dose ng tanghali, matiwasay tayong makakababa sa puwesto, makakalingon nang taas-noo sa sambayanang Filipino, at mata sa matang masasabi: Tumotoo ako sa inyo. Tumupad ako sa mandatong kaloob ng aking mga Boss,” sabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa ceremonial signing ng Republic Act 10821 o Children’s Emergency Relief and Protection Act sa Malacañang kahapon.
Aniya, nakikita ng publiko na sa nalalabing 43 araw sa kanyang termino ay tuloy-tuloy ang kanilang trabaho at sinasagad ang pagkakataong makapaglingkod sa sambayanang Filipino.
“Hanggang sa huli po: Isang karangalan para sa isang Noynoy Aquino ang makapaglingkod sa isang dakilang lahi, sa aking mga Boss, sa inyo, ang sambayanang Filipino,” ayon sa Pangulo.
Sa RA 10821 ay lalong tumibay ang obligasyon ng lokal at pambansang pamahalaan na magtayo ng child-friendly spaces, evacuation centers, transitional shelters na may pasilidad para sa mga pangangailangan ng mga kabataan pati na ang mga buntis sa panahon ng kalamidad.